CORON, Palawan | Umabot na sa 76 ang nasawi matapos matagpuan ng mga rescue team ang karagdagang mga labi sa nasunog na MV June Aster sa karagatan ng Coron, habang 13 katao pa ang patuloy na pinaghahanap, ayon sa pinakahuling ulat ng Associated Press noong Sabado.
Apatnapu’t tatlong katao ang nakaligtas sa insidente, na kabuuang 132 katao ang sakay ng barko nang sumiklab ang apoy noong Miyerkules ng gabi, Setyembre 9. NGaling ang ferry sa Maynila at patungong Coron nang sumiklab ang sunog, humigit-kumulang 39 kilometro mula sa destinasyon nito.
Sinabi ng Philippine Coast Guard na patuloy ang retrieval at search operations habang isinasagawa rin ang pagkilala sa mga nasawi. Dinala ang mga body bag sa Port of Borac sa Coron, kung saan itinayo ang mga pansamantalang tent para sa forensic processing at identification ng mga labi. Nauna nang sinabi ng PCG na malaking bilang ng mga natagpuang labi ay nasa economy accommodation section ng barko.
Batay sa mga paunang salaysay ng mga nakaligtas, maaaring nagsimula ang sunog sa cargo hold. Iniulat din ng Maritime Industry Authority na dalawang magkakasunod na pagsabog ang narinig bago mabilis na kumalat ang apoy. Gayunman, hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang tiyak na sanhi ng insidente habang patuloy ang imbestigasyon.
Sinabi ng PCG na tinitingnan din kung may pananagutan ang shipping company o crew batay sa kanilang mga naging aksyon, bago, habang at matapos sumiklab ang sunog. Ayon sa ulat, dumaan ang MV June Aster sa pre-departure inspection at Vessel Safety Enforcement Inspection noong Marso 2026. Sinabi ng PCG na compliant ang barko sa naturang inspeksiyon, bagama’t patuloy pang sinusuri ang iba pang posibleng isyu, kabilang ang passenger manifest at safety procedures.
Agad ding nagsagawa ng Marine Safety Investigation ang Maritime Industry Authority upang matukoy ang mga pangyayari na humantong sa insidente. Nakikipag-ugnayan ang MARINA sa PCG at iba pang ahensya para sa imbestigasyon at pagtulong sa mga nakaligtas.
Sa mga unang oras ng operasyon, nahirapan ang rescuers na makapasok sa barko dahil sa makapal na usok at matinding init. Nang tuluyang maapula ang apoy, saka lamang naging posible ang mas malawak na inspeksiyon sa loob ng barko at ang retrieval ng mga labi.
Nagpaabot naman ng suporta ang operator ng barko, Atienza Interisland Ferries Inc., at sinabi nitong nakikipagtulungan ito sa mga awtoridad at tutulong sa mga pamilya ng mga biktima.
Ang trahedya ay muling nagbigay-pansin sa matagal nang problema sa maritime safety sa Pilipinas, isang bansang binubuo ng mahigit 7,600 isla kung saan mahalagang bahagi ng pampublikong transportasyon ang mga ferry. Isa sa pinakamalalang insidente sa kasaysayan ng bansa ang paglubog ng MV Doña Paz noong Disyembre 1987 matapos itong bumangga sa MT Vector. Tinatayang mahigit 4,300 katao ang nasawi sa trahedyang iyon, na itinuturing na isa sa pinakamasamang maritime disasters sa panahon ng kapayapaan.
Patuloy ngayon ang paghahanap sa mga nawawala at ang proseso ng pagkilala sa mga nasawi, habang hinihintay ng mga pamilya ang opisyal na impormasyon tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay. Kasabay nito, inaasahang tututok ang mga imbestigador sa pinagmulan ng apoy, pagresponde ng crew, emergency procedures at pagsunod ng barko sa mga regulasyon sa kaligtasan.
ADVERTISEMENT

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






