MAYNILA — Tinatayang nasa 26 milyong mag-aaral ang nagbalik-eskwela ngayong Lunes para sa pagbubukas ng School Year 2026–2027, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sinabi ni DepEd Assistant Secretary Jocelyn Andaya na hanggang noong Biyernes ng nakaraang linggo ay halos 26 milyon na ang nakapagpatala para sa kasalukuyang school year. Inaasahan aniya na tataas pa ang bilang habang magpapatuloy ang enrollment hanggang sa katapusan ng Hunyo.
“As of Friday last week, we have close to 26 million learners who have already enrolled,” pahayag ni Andaya sa isang panayam sa radyo. Aniya, may mga mag-aaral pa ring magpapatala sa mga susunod na araw kasabay ng pagsisimula ng klase.
Target ng DepEd na umabot sa humigit-kumulang 26.4 milyong enrollees ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral para sa School Year 2026–2027, halos kapantay ng naitalang enrollment noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag ni Andaya na may ilang estudyante, partikular sa antas ng senior high school, na hindi agad nakapag-enroll dahil sa trabaho o pansamantalang pananatili sa kanilang mga lalawigan.
Samantala, pinabulaanan ng opisyal ang mga kumakalat na impormasyon tungkol sa umano’y kanselasyon ng klase sa unang araw ng pasukan. Aniya, walang basehan ang naturang mga ulat at nagpapatuloy ang pagbubukas ng klase ayon sa itinakdang iskedyul.
Tiniyak din ng DepEd na nakahanda ang mga paaralan para sa pagdating ng mga mag-aaral.
Ayon kay Andaya, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na handa na ang mga paaralan at ligtas, maayos, at malinis ang mga pasilidad para sa mga mag-aaral na magsisimulang muli ng kanilang pag-aaral ngayong Hunyo.
Patuloy ring hinihikayat ng DepEd ang mga magulang at mag-aaral na hindi pa nakapagpapatala na kumpletuhin ang kanilang enrollment upang makasabay sa mga gawain sa pagbubukas ng bagong taong panuruan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





