Babae pinatay sa saksak ng selosong live-in partner

0
280

CALAMBA CITY, Laguna. Patay pagdating sa ospital ang isang 21 anyos na babae matapos pagsasaksakin ng kanyang live-in partner sa loob ng kanilang bahay sa APH Acacia Park Homes, Barangay Saimsim, lungsod na ito kahapon.

Ang biktima na namatay dahil sa pitong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Andrea Salve Escalante.

Agad namang naaresto ang suspek na si John Lester Catambay, 23 anyos at residente rin ng nabanggit na lugar.

Ayon sa imbestigasyon na isinagawa ng tanggapan ni Police Col. Milany Martirez, hepe ng Calamba City Police Station, nalaman na madalas mag away ang mag live-in partner dahil sa pagiging seloso ni Catambay.

Ayon sa pahayag ni Police Staff Sergeant Zidney Manglo, imbestigador sa kaso, bandang ika-2:00 noong Huwebes ng hapon ng magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa, na nagresulta sa pagkuha ng kutsilyo ng suspek at sunod-sunod na pagsaksak nito sa biktima.

Positibong itinuro ng Ina ng biktima si Catambay na siyang sumaksak sa kanyang anak na diumano ay humingi pa ng tulong habang binubugbog ito.

Tumakas ang suspek matapos ang krimen ngunit agad ding naaresto ng mga rumespondeng pulis sa isang operasyon sa Barangay Parian sa naturang lungsod.

Nakakulong na ang suspek sa Calamba city jail at nakatakdang humarap sa kaso ng homicide.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.