Anim na Aeta patay, tatlo nawawala matapos tumaob ang bangka sa Zambales lake

0
46

SAN MARCELINO, ZAMBALES | Anim na Aeta, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos tumaob ang sinasakyan nilang motorbanca sa Mapanuepe Lake sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales, noong Huwebes, Agosto 27.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng San Marcelino, 13 Aeta ang sakay ng bangka nang mangyari ang insidente. Apat ang nakaligtas, anim ang kumpirmadong nasawi at tatlo ang patuloy na hinahanap, kabilang ang dalawang menor de edad at isang babaeng nasa hustong gulang.

Ayon kay Liza Balario, Indigenous Peoples Mandatory Representative ng Barangay Buhawen, ang mga biktima ay mula sa komunidad ng Aeta sa Sitio Lomibao, na nasa kabilang bahagi ng lawa. Karaniwang tumatawid sa bangka ang mga residente upang makarating sa barangay proper kung saan matatagpuan ang health center. Tinatayang 30 minuto ang biyahe sa lawa.

Sinabi ni Balario na galing sa health center ang grupo matapos kumuha ng gamot at pagkain nang tumaob ang bangka habang pauwi. Lumakas umano ang hangin habang nasa gitna sila ng lawa. Patuloy naman ang search and rescue operations para mahanap ang tatlong nawawala.

Ang Mapanuepe Lake ay may mahalagang kasaysayan na kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong 1991. Ayon sa United States Geological Survey, nabuo ang lawa nang harangan ng malalaking lahar mula sa pagsabog ang daloy ng Mapanuepe River. Sa pinakamalawak nitong anyo noong 1991, umabot sa tinatayang 6.7 square kilometers ang lawak ng lawa at nakapag-ipon ito ng tinatayang 75 milyong cubic meters ng tubig.

Dahil sa pagbuo ng lawa, naapektuhan noon ang ilang komunidad sa lugar, kabilang ang Buhawen. Ipinakita rin ng mga pag-aaral na ang mga komunidad sa paligid ng Mapanuepe Lake ay nanatiling exposed sa mga panganib na dulot ng biglaang pagbabago ng panahon at pagtaas ng tubig.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang mga awtoridad sa paghahanap sa tatlong nawawala habang patuloy na iniimbestigahan ang mga pangyayari na nagsanhi ng pagtaob ng bangka.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.