2 Koreano patay sa suffocation sa sauna sa Batangas

0
516

MABINI, Batangas. Patay ang dalawang turistang Koreano habang isa ang nasa ospital matapos ma-suffocate habang nasa loob ng sauna sa isang kilalang resort sa bayang ito sa Batangas, noong Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ni Major Arwin Baby Caimbon, hepe ng Mabini Municipal Police Station ang mga nasawing biktima na sina Sun Tae Kim, 67, at Yun Seok Seo, 63. Sa naantalang ulat ng pulisya, parehong idineklarang dead-on-arrival ang dalawang dayuhan sa St. Camillus Hospital sa Barangay P. Niogan, sa nabanggit na bayan.

Isa sa kanilang kasamahan na kinilalang si Hak Neung Kim, 59, ang nakaligtas sa insidente at kasalukuyang nagpapagaling sa nabanggit na ospital.

Ayon sa ulat, kagagaling lang sa outdoor adventure ang mga biktima at pagbalik nila sa resort pasado alas-12 ng madaling-araw, nagpasya silang pumasok sa sauna ng resort.

Sa imbestigasyon, lumabas na lasing ang tatlong biktima nang pumasok sa loob ng sauna. Bandang alas-3:00 ng madaling-araw, nang mag-check ang resort attendant sa mga guests, nadiskubre ang tatlong ito na wala nang malay at nakahandusay sa sahig ng sauna.

Mabilis namang isinugod sa ospital ang tatlong turista, ngunit idineklarang patay na ang dalawa sa kanila.

Ayon kay Maj. Caimbon, inaantay na lang nila ang pagdating ng kinatawan ng Korean Embassy at mga kamag-anak ng mga namatay para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa insidente, at iniimbestigahan kung may pananagutan ang nasabing resort sa sinapit ng tatlong Koreano.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.