Babaeng pinasok at pinatay habang naliligo

0
240

BACOOR City, Cavite. Pinasok at pinatay habang naliligo ang isang babae matapos makatanggap ng pagbabanta mula sa isang lalaki sa Barangay Talaba 2, lungsod na ito sa Cavite.

Ang biktima na kinilala sa alias na Angel, isang residente ng Tabing-Dagat, Barangay Talaba 2, Bacoor City, Cavite, ay natagpuang patay at duguang nakahandusay sa loob ng kanilang banyo. Nangyari ang trahedya matapos pumasok at barilin ang biktima ng isang lalaki na nagbabanta sa kanya kamakalawa pa ng gabi.

Hinihinalang kilala ng biktima ang suspek na tinutukoy ng pulisya sa alyas na “Joel,” na diuumano ay nagpadala ng mga mensahe ng pagbabanta sa biktima. Tinutugis ngayo ng pulisya ang suspek upang mapanagot sa kanyang ginawang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente alas-8:30 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima. Ayon sa salaysay ng ina ng biktima, habang naliligo ang kanyang anak, biglang pumasok ang lalaki sa banyo at pinagbabaril ito.

Nang marining ang mga putok, agad na pumunta ang ina sa banyo at doon ay nakita niya ang kanyang anak na duguan at wala ng buhay.

Sa pagsisiyasat, lumabas na ilang araw na ang nakalilipas mula nang makatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima mula sa suspek na si “Joel.”

Nagsasagawa ngayon na ng follow-up operation ang pulisya upang madakip ang suspek at alamin ang motibo sa likod ng pamamaslang.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.