74 anyos na Lola pinatay ng anak na may topak

0
276

SAN JUAN, Batangas. Natagpuan ang bangkay ng isang 74 anyos na lola sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Sico 2, bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si alyas Rosie na ang bangkay ay natagpuan sa kusina at may malaking sugat sa ulo, bandang 6:00 ng gabi.

Ayon sa imbestigador, posibleng hinataw sa ulo ng matigas na bagay ang biktima ng kanyang anak na babae na si alyas Rosaleeh na agad na inaresto ng mga rumespondeng pulis.

Nadiskubre lang ang krimen nang tumugon ang mga barangay tanod at pulisya matapos humingi ng tulong ang apo ng biktima na si alyas Sofia.

Ayon kay Sofia, kararating lang niya mula sa paaralan nang siya ay pigilan ng suspek na pumasok, agad siyang nagduda kaya pumunta agad sa barangay hall upang humingi ng tulong.

Sa imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina sa hindi pa malaman na kadahilanan na nagresulta sa pagpatay.

Sinabi rin ng mga kaanak na ang suspek ay may problema sa pag-iisip.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.