Mas mababang PhilHealth contribution, aprubado na sa Kamara

0
76

MAYNILA. Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na nagtatakda ng pagbaba ng PhilHealth premium contribution rate mula sa kasalukuyang 5% patungong 3.5%.

Ang House Bill 11357, na naglalayong mapalakas ang sistemang pangkalusugan ng bansa, ay lumusot sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce o botohan sa pamamagitan ng pagsigaw ng sang-ayon o hindi sang-ayon.

Binabago ng panukalang batas ang Universal Health Care (UHC) Act at isinasaad na anumang pagbabago sa kontribusyon ng PhilHealth ay dapat nakabatay sa actuarial studies na susuriin ng isang independiyenteng organisasyon at kailangang aprubahan ng Kongreso tuwing budget deliberations.

Isa sa mahahalagang probisyon ng panukala ay ang pagbawas ng pasanin ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagbabayad ng kanilang PhilHealth contribution. Sa ilalim ng panukala, ang 50% ng kontribusyon ng mga OFW ay sasagutin ng kanilang employer, habang ang natitirang kalahati ay babayaran ng gobyerno.

Dagdag pa rito, itinakda sa panukalang batas na ang administrative expenses ng PhilHealth, kabilang ang suweldo ng mga empleyado, ay hindi dapat lumampas sa 7.5% ng kabuuang gastusin ng ahensya. Pinuri ni Health Secretary Ted Herbosa ang pagpasa ng panukala at binigyang-diin ang mahalagang papel ni Representative Stella Quimbo sa pagtatanggol sa probisyong ito.

Pinapayagan din ng panukala ang mga lungsod at munisipalidad na magtayo ng Special Health Fund upang mas mapabuti ang mga serbisyong pangkalusugan. Ang pondong ito ay pamamahalaan sa ilalim ng gabay ng Department of Health (DOH), Department of Budget and Management (DBM), at UHC Coordinating Council.

Nauna nang inaprubahan ng Senado ang kanilang sariling bersyon ng panukalang ito, ang Senate Bill 2620, noong Agosto 2024. Dahil dito, inaasahang isasailalim na ito sa bicameral conference committee upang pag-isahin ang mga probisyon bago tuluyang maisabatas.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.