MAYNILA. Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P29.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang babaeng pasahero na bagong dating sa bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Sabado ng hapon, Hunyo 14.
Batay sa ulat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), nakilala ang suspek sa alyas na Arlene, 43 taong gulang, at residente ng B-J1 L-15, Barangay Francisco II, Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa IADITG, si Arlene ay dumating sakay ng AirAsia Flight AK 582 mula Kuala Lumpur, Malaysia at dumaan sa Customs International Arrival Area bandang 1:35 ng hapon nang isagawa ang interdiction operation. Sa kanyang bagahe ay natagpuan ang tinatayang 4,368 gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa isang improvised pouch na balot ng itim na duct tape.
Kasama rin sa nakumpiskang mga gamit ang bugkos ng mga damit, bed cover, blanket, comforter, tuwalya, at iba pang personal na gamit. Narekober din ang kanyang pasaporte, ID, boarding pass, baggage declaration form, at isang cellphone.
Dinala na ang mga ebidensya sa PDEA Laboratory Service para sa masusing pagsusuri. Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang operasyon ay pinangunahan ng NAIA-IADITG na binubuo ng PDEA RO NCR, Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI).
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo