Lolo, namaril sa road rage sa Tanay; drayber kritikal, pasahero sugatan

0
609


TANAY, RIZAL. Arestado ang isang 63-anyos na lalaki matapos nitong barilin ang isang drayber at pasahero sa isang insidente ng road rage sa bayan ng Tanay noong Linggo, Hulyo 6.

Ayon sa ulat ng Rizal Provincial Police, nagsimula ang insidente nang agawin umano ng suspek ang linya ng isang pickup vehicle, dahilan para tamaan ng kanyang side mirror ang gilid ng naturang sasakyan. Huminto ang dalawang sasakyan, at dito na nagkaroon ng pagtatalo.

Sa gitna ng tensyon, bumaba ang suspek, kinuha ang kanyang baril sa likurang bahagi ng sasakyan, at sunod-sunod na pinaputukan ang drayber ng pickup na may sakay na apat na pasahero.

“Yung driver ang nasa critical condition. Pinagbabaril niya, multiple shots, and then umikot siya sa kabilang side at binaril din yung kasama sa kabilang upuan, sa paa tinamaan,” pahayag ni Police Colonel Feloteo Gonzalgo, provincial director ng Rizal PPO.

Agad namang naisugod sa ospital ang mga biktima. Nakalabas na ang isang pasahero na tinamaan ng bala sa paa, habang patuloy na nagpapagaling ang drayber na nasa kritikal na kondisyon.

Matapos ang insidente, hinabol ng mga awtoridad ang suspek at nahuli ito sa isang checkpoint sa bayan ng Morong.

Nasamsam mula sa loob ng sasakyan ng suspek ang isang .40-caliber pistol, ilang bala, dalawang matatalim na gamit, at isang blinker.

“May blinker pa sa loob ng sasakyan, para bang talagang ginagamit na niya sa kanyang pagtakas, for example, para mabilis siyang makaalis,” dagdag ni Gonzalgo.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang pamamaril dahil umano sa “sobrang galit.” Tumanggi na itong magbigay ng karagdagang pahayag habang nakakulong sa Tanay Municipal Station.

Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder, reckless imprudence resulting in serious physical injuries and damage to property, at illegal possession of firearms and ammunition.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.