91 buto narekober sa Taal Lake; ops maaaring umabot ng 6 buwan

0
224

MAYNILA. Umaabot sa 91 piraso ng buto ang narekober mula sa ilalim ng Taal Lake at kasalukuyang hawak ng PNP Forensic Group. Anim sa mga ito ay hinihinalang buto ng tao, ayon sa ulat ng mga awtoridad.

Ayon kay Lt. Col. Edmar dela Torre, Officer-in-Charge ng DNA Laboratory Division ng PNP Forensic Group, inaasahang aabutin ng lima hanggang pitong araw upang makabuo ng DNA profile mula sa mga buto. Dagdag pa rito, kakailanganin ng panibagong lima hanggang pitong araw para sa cross-matching sa DNA ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Sinabi ni Dela Torre na 18 kamag-anak na ng mga nawawalang sabungero ang nakuhanan na ng DNA samples. Isasagawa ang cross-matching kapag may nabuong DNA profile mula sa mga narekober na buto.

Ipinasilip naman sa media ng PNP Forensic Group ang DNA Laboratory kung saan isinasagawa ang pagsusuri sa mga nakuhang buto mula sa lawa.

Samantala, nag-deploy na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng remotely operated vehicle (ROV) upang suportahan ang isinasagawang paghahanap sa mga nawawalang sabungero.

Ayon kay PCG spokesperson Capt. Noemie Guirao-Cayabyab, ginagamit na ang ROV sa search and retrieval operations sa Taal Lake. May ilaw at camera ang naturang kagamitan kaya’t mas malawak ang naaabot nitong monitoring sa ilalim ng lawa.

May kakayahan din umano ang ROV na mag-angat ng bagay na may bigat na hanggang 10 kilo at maaaring manatili sa ilalim ng tubig ng hanggang apat na oras.

Matatandaang sinisid ng mga tauhan ng PCG ang Taal Lake upang hanapin ang mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon sa lawa. Tiniyak ng PCG na metikuloso at masusing isinasagawa ang operasyon.

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring umabot ng anim na buwan ang retrieval operations kaugnay ng mga nawawalang sabungero.

“We’re trying to organize everything for the presentation of evidence later. Hindi natin kayang unti-untiin ang balita tungkol dito. Kung meron silang nakitang buto ng tao then everything will be marked accordingly,” pahayag ni Remulla.

Ipinaliwanag ng kalihim na maiksi pa ang anim na buwan dahil dadaan pa sa maraming proseso tulad ng retrieval, markings, identification, at DNA matching ng mga buto sa mga kamag-anak ng mga biktima.

Gayunman, nilinaw niyang hindi kailangang tapusin pa ang anim na buwan bago magsampa ng kaso, basta’t sapat na ang ebidensya at matibay ang kaso sa korte.

Hindi biro ang pagsisiyasat sa malawak na bahagi ng lawa, lalo na’t ayon sa whistleblower na si Julie Patidongan, mahigit 100 sabungero ang diumano’y itinapon sa Taal Lake.

Kasabay nito, isasailalim sa masusing pagsusuri ang mga testimonya ng mga testigo at i-evaluate ng mga piskal ang papel ng mga sangkot, kabilang ang ilang aktibo at retiradong pulis.

Noong Lunes, nagsampa ng kasong administratibo si Patidongan sa National Police Commission laban sa 12 pulis, kabilang ang isang police colonel, isang police lieutenant colonel, isang police major, isang executive master sergeant, isang master sergeant, isang senior master sergeant, isang senior staff sergeant, dalawang chief master sergeant, at isang corporal.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.