6 Tsino, 6 Pilipino arestado sa Batangas sa kasong kidnapping

0
498

MAYNILA. Arestado ang labindalawang indibidwal, anim na Tsino at anim na Pilipino, dahil sa umano’y pagdukot sa isang Chinese businessman sa lungsod ng Parañaque noong unang linggo ng Hulyo, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).

Batay sa impormasyon mula sa Anti-Kidnapping Group (AKG), isinagawa ang operasyon bandang 2:45 ng hapon noong Linggo sa lungsod ng Santo Tomas, Batangas. Nailigtas din ng mga awtoridad ang biktima sa parehong operasyon, ayon sa ulat ng pulisya na inilabas nitong Lunes.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos magsampa ng reklamo ang pinsan ng biktima, na nag-ulat sa mga awtoridad tungkol sa umano’y pagdukot sa kanyang kamag-anak noong Hulyo 1, dakong 6:40 ng gabi, sa loob ng isang condominium sa Parañaque.

Ayon sa PNP, humingi umano ng ransom ang mga suspek mula sa pamilya ng biktima sa China. Pinilit umano ng mga kidnapper ang pamilya na magpadala ng hindi pa matukoy na halaga gamit ang cryptocurrency account na ibinigay ng mga suspek.

Dagdag ng pulisya, “Ang biktima na halos dalawang linggo nang hawak ng mga suspek ay binigyan na ng nararapat na tulong.”

Sa kabila ng mga pag-aresto, iniulat ng PNP na may ilan pang suspek na pinaghahanap at kasalukuyang tinutugis ng AKG sa isinasagawang hot pursuit operation.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.