MAYNILA. Binigyang awtoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mag-anunsiyo ng suspensiyon ng klase at trabaho tuwing may masamang panahon o kalamidad.
Kinumpirma ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez matapos ipahayag ni Remulla na siya ang nagdeklara ng suspensiyon ng klase kahapon.
Ayon kay Gomez, “The DILG cited Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez’s confirmation that Remulla was authorized by President Ferdinand Marcos, Jr. to make announcements on behalf of the Cabinet and the Palace in times of national emergencies.”
Ipinahayag ni Remulla na personal siyang humingi ng pahintulot kay Pangulong Marcos upang siya na ang magdeklara ng class suspension sa panahon ng bagyo. Binigyang-diin niya ang kanyang karanasan bilang dating gobernador ng Cavite, kung saan mas mabilis ang koordinasyon kapag centralized ang anunsiyo.
Bagama’t may bagong kapangyarihan si Remulla, nilinaw ng DILG na mananatili pa rin ang kakayahan ng Department of Education (DepEd) at ng mga local government unit (LGU) na magsuspinde ng klase depende sa lagay ng panahon at kalagayan sa kani-kanilang lugar.
Bilang Vice Chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa Disaster Preparedness, tiniyak ni Remulla na maglalabas ng mga anunsiyo hindi bababa sa isang gabi bago ang inaasahang epekto ng kalamidad, alinsunod sa naging praktis niya noong siya ay gobernador ng Cavite.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





