MAYNILA. Itinuturing na pangunahing dahilan ng pagkakasibak kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III ang inilunsad niyang reshuffle sa hanay ng mga matataas na opisyal, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na binale-wala umano ni Torre ang kautusan ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ibalik sa dating puwesto ang mga inilipat na opisyal, kabilang si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez.
Si Nartatez, na dating Deputy Director for Administration (DCA) ng PNP, ay inilipat ni Torre bilang Area Police Commander sa Western Mindanao. Ipinalit naman sa kanyang puwesto si Lt. Gen. Bernard Banac. Ngunit naglabas ng resolusyon ang NAPOLCOM na binabaligtad ang mga appointment ni Torre at iniutos na ibalik si Nartatez bilang DCA at si Banac sa Western Mindanao.
Gayunman, muling ipinakita ni Torre ang kanyang posisyon nang ipakilala pa rin niya si Banac bilang DCA sa flag-raising ceremony.
Marami ang nagulat sa ginawang reshuffle, na ayon sa ilang eksperto ay nilabag ni Torre. Nilinaw naman ni Remulla na walang kinalaman ang DILG sa relieved order at tanging prayoridad ng Pangulo ang pambansang seguridad.
“Si Gen. Torre ay presidential appointee kaya nasa Pangulo ang pasya kung sino ang kanyang gustong ipuwesto,” ani Remulla. Idinagdag niyang mahirap ngunit kinakailangan ang desisyon para sa pambansang interes, at nilinaw na walang kaso o paglabag si Torre na naging dahilan ng pagtanggal.
Samantala, sinabi ni Remulla na ipagpapatuloy ni Nartatez ang mga programang nasimulan ni Torre, kabilang ang 5-minute response at pagpapatibay ng seguridad sa mga vital installations at malalaking kaganapan gaya ng SONA at Quiapo fiesta.

Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





