MAYNILA. Patay ang isang 52-anyos na lalaki matapos masaksak ng dati niyang live-in partner sa Barangay Igbalangao, Bugasong, Antique nitong Biyernes, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ng Antique Police ang nasawi sa pangalang Dan, isang fish vendor, na dead-on-the-spot matapos tamaan ng malalim na saksak sa leeg. Ang suspek naman ay itinago sa alyas na “Vanessa,” 38, na dati niyang kinakasama.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo si Dan sa bahay ni Vanessa upang makipag-usap at subukang makipagbalikan. Gayunman, nauwi ito sa mainitang pagtatalo matapos tumanggi ang babae na muling makisama.
Ayon sa pulisya, naglabas ng patalim ang lalaki at nagbanta umano laban sa ginang. Nagkaroon ng agawan ng patalim hanggang sa maagaw ito ng babae at saksakin ang biktima.
Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad si Vanessa matapos ang insidente at kasalukuyang nahaharap sa kasong homicide.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





