Romualdez, posibleng maging state witness sa flood control anomaly; 60% ng Pinoy nagalit ayon sa survey

0
469

MAYNILA — Ipinauubaya ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) ang pagdedesisyon kung maaaring maging state witness si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y maanomalyang mga flood control projects sa bansa.

Ang pahayag ay ginawa matapos humarap si Romualdez sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na kasalukuyang nagsisiyasat sa mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nakasalalay sa magiging salaysay ni Romualdez sa ICI kung maaari siyang maging state witness. “Ang DOJ ang magdedetermina batay sa kanilang pamantayan,” ani Castro.

Ang ICI ang may tungkuling magrekomenda sa korte hinggil sa magiging kapalaran ng mga opisyal at personalidad na isinangkot at inakusahan na kumita mula sa pondo ng mga flood control projects. Isa si Romualdez sa mga binanggit na pangalan ng isang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y nakinabang sa naturang mga proyekto.

Samantala, lumabas sa isang Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na 60% ng mga Pilipino ang nagsabing sila ay nagalit matapos mabunyag ang mga anomalya sa mga flood control projects. Ipinahayag din ng mga kalahok ang kanilang pagsuporta sa isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan.

Batay sa resulta ng survey, 60% ng mga Pinoy ang nagagalit tuwing naiisip ang korapsyon sa pamahalaan, 30% ang nagsabing sila ay natatakot o nababahala, at 9% naman ang nakaramdam ng pagkadismaya o kalungkutan.

Ayon sa OCTA, ang pagkagalit ang pinakapangunahing emosyon sa lahat ng rehiyon, socioeconomic class, at age groups. Pinakamapansin ito sa mga kabataang Pilipino, kabilang ang Gen Z at millennials.

Nabatid din na 83% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilantad ang mga kaso ng korapsyon, dahil nakikita ito bilang hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Pinakamataas ang antas ng suporta sa National Capital Region (NCR) na may 91%, kasunod ang Balance Luzon na may 90%. Samantala, 46% ng mga respondents ang naniniwalang ang isang independiyenteng komisyon gaya ng ICI ang pinakaangkop na manguna sa imbestigasyon.

Isinagawa ang Tugon ng Masa survey mula Setyembre 25 hanggang 30, na nilahukan ng 1,200 adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo