LUCENA CITY — Nagliyab at sumabog ang isang fuel tanker sa Barangay Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon kahapon ng umaga, na ikinasawi ng driver at ikinasugat ng lima pang katao, kabilang ang tatlong mag-aaral sa elementarya.
Ayon kay Police Colonel Romulo Albacea, direktor ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), nakilala lamang sa pangalang “Rolando,” taga-Padre Garcia, Batangas, ang nasunog at namatay na driver ng nasabing fuel tanker.
Batay sa imbestigasyon ng Atimonan Police, patungo sa Bicol Region ang trak na kargado ng krudo at binabagtas ang pakurbadang bahagi ng Maharlika Highway dakong alas-6:40 ng umaga nang biglang pumalya ang makina. Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver, dahilan upang sumalpok ang tanker sa kumpol ng putik sa gilid ng kalsada, bago bumangga sa isang nakaparadang sirang truck.
Dahil sa tindi ng impact, tumagilid ang truck at muling binangga ng tanker ang dalawang tricycle na nakaparada malapit sa lugar. Agad namang nagliyab ang fuel tanker at sumabog, dahilan upang madamay ang dalawang tricycle, isang motorsiklo, at mga punongkahoy sa paligid.
Hindi na nakalabas si Rolando matapos maipit sa loob ng nagliyab na trak at tuluyang nasunog.
Samantala, sugatan naman sina Merkel, isang tricycle driver; tatlong batang pasahero na sina Amethys, 13, residente ng Barangay Malinao Ilaya; Jamela, 11; at Angel, 13, kapwa mula sa Barangay Sta. Catalina; at si Edwin, 58, isa pang tricycle driver mula rin sa Sta. Catalina.
Lahat ng mga sugatan ay agad na isinugod sa iba’t ibang ospital sa Atimonan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang iba pang detalye at sanhi ng pagsabog.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





