Nadakip ng CIDG ang No. 1 Most Wanted Person sa CALABARZON dahil sa tatlong pagpatay sa Quezon

0
556

Candelaria, Quezon – Nadakip ng Criminal Investigation and Detection Group ang No. 1 Regional Most Wanted Person sa CALABARZON na hinihinalang sangkot sa tatlong magkakahiwalay na pagpatay sa lalawigan ng Quezon.

Isinagawa ang manhunt operation noong Disyembre 9, 2025 mula alas-5:30 ng umaga ng umaga sa Brgy. Masalukot II, Candelaria, Quezon ng CIDG Quezon Provincial Field Unit, katulong ang 82nd Special Action Company ng PNP SAF at mga territorial police units.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng mga Warrants of Arrest para sa dalawang kaso ng Murder at isang kaso ng Homicide na inisyu ng mga korte sa Lucena City, Quezon noong Hulyo 15, 2022, Enero 5, 2024, at Mayo 7, 2024.

Ayon sa ulat na ipinarating kay PMGEN Robert AA Morico II, Acting Director ng CIDG, ang inaresto na kinilalang si “Vic”, 64 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Masalukot II, Candelaria, Quezon, ay itinuturing na Number 1 Regional Most Wanted Person sa rehiyon kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa tatlong pagpatay.

Batay sa imbestigasyon, ang suspek ay pinaniniwalaang isang gun-for-hire na umano’y nag-ooperate sa lalawigan ng Quezon. Siya ay inakusahan sa tatlong hiwalay na pamamaril na naganap noong Setyembre 17, 2021 sa gabi, Nobyembre 3, 2022, kapwa sa Brgy. Masalukot II, Candelaria, at Hulyo 19, 2023 sa Brgy. Poblacion, Candelaria, na ikinasawi ng tatlong lalaking biktima.

Pinuri ng pamunuan ng CIDG si PLTCOL Ganaban C Ali, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 4A, at ang CIDG Quezon Provincial Field Unit sa pamumuno ni PLTCOL Rix S Villareal sa matagumpay na pagdakip sa itinuturing na mapanganib na pugante.

Binigyang-diin ng CIDG ang patuloy at walang humpay nitong pagsisikap laban sa kriminalidad, kabilang ang pagtugis sa mga wanted person at paghahatid ng hustisya sa mga biktima.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.