Estudyante ng San Jose National High School patay matapos mahulog mula sa ikatlong palapag

0
2472

SAN PABLO CITY – Isang lalaking mag-aaral ng San Jose National High School ang nasawi matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng gusali ng paaralan, ayon sa mga awtoridad at impormasyon..

Ayon sa isang source, ang biktima ay umakyat at nahulog sa abandonadong ikatlong palapag ng school building upang manghuli ng mga kalapati.

Matapos ang insidente, agad na isinugod ang biktima sa Pagamutang Panlungsod sa Barangay San Jose. Inilipat siya kalaunan sa San Pablo City Medical Center at pagkatapos ay sa East Avenue Medical Center, kung saan siya ay idineklarang patay.

Naglabas ng pahayag ang Department of Education at kinumpirma na nakapagsumite na ang pamunuan ng paaralan ng ulat sa DepEd regional office para sa masusing imbestigasyon sa nangyari.

Samantala, nagpahayag ng pangamba ang ilang concerned citizens at iginiit na dapat managot ang mga kinauukulan sa DepEd. Ayon sa kanila, hindi dapat napahintulutan ang estudyante na umakyat sa abandonadong ikatlong palapag ng gusali ng paaralan, na umano’y delikado at matagal ng hindi na ginagamit.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at kung may pananagutan ang sinumang opisyal kaugnay ng insidente.

With reports from Dong Fullo/San Pablo Public Forum

This news article has been edited for accuracy. Updated on December 15, 2025, 10:30 AM.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.