Coco Fest 2026: Saya, kulay, at pangarap ng kabuhayan

0
454

Masaya ang bagong Coco Festival 2026 sa San Pablo City mula Enero 12 hanggang 15. Ramdam mo talaga na nag-effort ang organizers. Mataas din ang enerhiya ng mga San Pableño sa tugtugan, sayawan, at mga palabas. Maganda rin ang seguridad at assistance na ibinigay ng mga lokal na otoridad kaya naging maayos at mapayapa ang buong selebrasyon.

Mas organized ang festival ngayong taon, malinis ang mga kalsada, at on-time ang mga programa. Ang galing pa ng mga lokal na artists. Feel mo talaga na ito ay hinugot sa talento ng San Pablo para sa San Pableño.

Hindi na masyadong nakita ang mukha ng mga politiko sa mga entablado. Nawala ang parang class pose ng mga public officials sa stage. Mas nabigyan ng pokus ang kultura at kasiyahan. Tama naman dahil sa panahong ito ng kaliwa’t kanang buklatan ng bilyon bilyong anomalya, tila ba nandiri ang tao sa maepal na pa-cute at papoging ganap ng mga pulitiko.

Sa mga events tulad ng singing contest, open mic, mini performances sa festival zones, ang Mister and Miss San Pablo Star Pageant, pati na rin ang The Voice San Pablo City Season 1t Rotarock XXX.2, buo ang diwa ng selebrasyon dahil ramdam ang puso ng komunidad. May contestant na sumabit sa entrada pero ayos lang

Pumatok din ang beer zone sa Regidor Street. Nag enjoy pa rin ang lahat sa pag-selfie habang may hawak na beer in can. May ilan pa ring naka-miss sa tradisyunal na street dance. Pero kahit ganoon, hindi nawala ang tawanan, indakan, at enjoyment ng mga tao. Dama ang saya at pagkakaisa sa bawat sulok ng selebrasyon.

Hindi nabulabog ang simbahan ngayong taoan at malamang ay nagalak si Monsignor Jerry Bituon dahil sa wakas ay nabigyan uli ng importansya si San Pablo, ang Unang Ermitanyo.

Nawala na ang maiingay na banda at inuman sa harap ng katedral. Pinalitan ito ng palabas ng comedians na bastos din pero kaunti lang.

Higit sa lahat, nabawasan ang shwarma stand. May nagtinda pa ng tsokolate at suman na nagpabalik sa alaala ni Inay sa lumang bahay na may banggerahan.

Sa mga susunod na taon, maaari pang pagandahin ang Coco Festival kung maglalagay ng mas malinaw na festival maps at schedule boards sa bawat zone upang madaling matunton ng mga bisita ang oras at lugar ng mga programa. Mainam ding palawakin o dagdagan ang espasyo para sa mga lokal na negosyante at food vendors para mas marami ang kumita sa pagdagsa ng tao. Makakatulong din ang dagdag na basurahan, portalets at mas mahigpit na waste management system para higit na mapanatili ang kalinisan sa gitna ng selebrasyon.

Pwede ring itampok ang Sampalok Lake sa isang regatta na lalahukan ng mga bangkang pinalamutian ng temang agrikultura at kultura ng San Pablo. Magdaos kaya tayo ng lamo o balsa paddling competitions na bukas sa barangay teams, youth groups, at civic organizations? Para sa mas tahimik na experience, pwede rin ang sunset fluvial procession ng simbahan habang napakalibot sa buong lawa ang mga debotong may hawak na kandila. Baka pwede rin ang acoustic performances sa floating stage, at lakeside food at coffee pop-ups na tampok ang mga lokal na produkto.

Solid ang peg ng ilang aktibidad tulad ng The Voice of San Pablo, Mr. & Ms. San Pablo Star, Hataw Sanpy at gourmet food pop-ups sa Rizal Avenue. Pero may tanong ang ilan. Patok nga ba ito sa ordinaryong San Pableño? Ramdam na medyo “sosyal” ang dating ng ilang events. Halimbawa, pasok sa panlasa ng marami ang mga artista ng GMA7, ngunit hindi gaanong bumenta sa kanila ang tatlong mahuhusay na lalaki na kumanta ng theme song ng lolo at lola ko in opera style. Mas swak kasi sa mga lokal ang mga tradisyunal at mas relatable na performance kaysa sa ganitong highbrow show.

Pero syempre, pagkatapos ng kasiyahan, dapat din nating isipin ang pang-araw-araw na buhay. Ang fiesta ay masaya, pero kailangan talaga natin ng income-generating jobs para may pambili tayo ng handa at tinda sa plaza para tuloy-tuloy ang kasiyahan at suporta sa lokal na negosyo.

Kalampagin natin si Yorme Najie Gapangada sa pangako nyang agri‑industrial / eco‑park na inaasahang lilikha ng isang katutak na trabaho. Bantayan natin ang magiging kapalaran ng pondo para sa proyektong ito sa kamay ng Sangguniang Panlunsod. Kumustahin natin ang mga investors na kinumbida nya. Kailan ba sila magbubukas ng mga negosyo dito? Nang sa ganon ay hindi na tayo manggagaling pa sa Sta. Rosa, Calamba, Sto. Tomas o Cabuyao para bumarek at makipagrakrakan sa Regidor. Maraming San Pableño na weekly commuters ang hindi nakauwi nung pista dahil Huwebes ‘yon at may trabaho sila.

Nawa sa mga susunod na fiesta ay makapag imbita tayo ng tropa ng hindi na iaagaw sa weekly household budget ang gagastusin sa handa. Makapaghain naman sana tayo ng kalderetang may olives at capers, embotidong ga-braso ni City Admin Lex De Mesa o unli fruit salad na may kondensadang Milkmaid.

Hindi lang kasi isang selebrasyon ng kultura ang Coco Festival, kundi paalala rin na ang kasiyahan, kultura, turismo at kabuhayan ay dapat magkakasabay.

Magandang pista po!

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.