MAYNILA —Patay ang dalawang Pilipinong marino at apat pa ang nawawala matapos tumaob at lumubog ang isang Singapore-flagged cargo vessel na may sakay na mga Pilipinong tripulante sa South China Sea nitong Biyernes, kinumpirma ng mga awtoridad at international maritime agencies.
Ang barkong M/V Devon Bay, ay may kargang iron ore at may 21 Pilipinong tripulante nang magsimulang tumagilid at tuluyang tumaob sa katubigan na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, bagaman nasa labas ng territorial waters ng bansa.
Ayon sa Maritime and Port Authority of Singapore (MPA), nagpadala ng distress signal ang M/V Devon Bay noong madaling-araw ng Enero 23 habang patungo mula Gutalac, Zamboanga del Sur patungong Yangjiang, Guangdong Province, China.
Ang China Coast Guard (CCG) at mga yunit ng People’s Liberation Army Southern Theater Command ang ilan sa mga unang rumesponde matapos maalerto ng Maritime Search and Rescue Center sa Sansha City, Hainan. Kasabay nito, naglunsad ng hiwalay na operasyon ang Philippine Coast Guard (PCG).
Nag-deploy ang PCG ng mga barkong BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at BRP Cape San Agustin (MRRV-4408), gayundin ng dalawang aircraft, upang palakasin ang paghahanap at pagsagip sa mga tripulante.
Hanggang tanghali ng Biyernes, 17 crew members na ang nailigtas. Labing-apat sa kanila ang nasa maayos na kalagayan, isa ang patuloy na binibigyan ng emergency medical treatment, habang dalawa ang nasawi. Patuloy pa ring hinahanap ang apat na nawawalang marino sa kabila ng pinalawak na search and rescue operations sa lugar.
Ayon sa PCG, ang huling naitalang lokasyon ng M/V Devon Bay ay humigit-kumulang 141 nautical miles sa kanluran ng Sabangan Point, Agno Bay, Pangasinan. Iniulat na ang barko ay nakahilig na ng halos 25 degrees bago tuluyang mawalan ng komunikasyon noong gabi ng Huwebes.
Samantala, inilalarawan ng mga ulat ng Chinese authorities ang lugar ng insidente na malapit sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) — isang bahagi ng South China Sea na may magkakapatong na maritime claims ng Pilipinas at China.
Ang Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Panatag Shoal, ay isang sensitibong lugar sa rehiyon dahil sa matagal nang alitan sa soberanya at kontrol. Bagama’t ang lugar ng insidente ay nasa loob ng EEZ ng Pilipinas, pinahihintulutan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang kalayaan sa paglalayag at pagdaan ng mga dayuhang sasakyang-dagat sa ganitong katubigan, habang nananatiling saklaw ng flag state ang imbestigasyon sa insidente.
Sinabi ng MPA na makikipag-ugnayan ito sa may-ari ng barko at mga international maritime authorities upang imbestigahan ang sanhi ng paglubog ng M/V Devon Bay.
Nagpapatuloy ang paghahanap sa apat na nawawala sa kabila ng hamon sa kondisyon ng panahon at lawak ng operasyon. Kapwa binigyang-diin ng mga awtoridad ng Pilipinas at China ang kahalagahan ng humanitarian cooperation sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Patuloy na nagbabantay ang mga pamilya ng mga tripulante sa mga opisyal na anunsiyo, habang nananawagan ang pamahalaan ng patuloy na panalangin at suporta para sa ligtas na pagkakakita sa mga nawawala at agarang tulong sa mga nailigtas.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





