Asawang pulis sumuko sa QCPD kaugnay ng pagpatay sa lady cop at anak

0
242

MAYNILA — Sumuko sa Quezon City Police District (QCPD) si Police Senior Master Sergeant (PSMS) John Mollenido kaugnay ng pagpaslang sa kanyang asawang si PSMS Diane Marie Mollenido at sa kanilang anak na si John Ysmael, matapos siyang ituro ng isa sa mga suspek sa krimen, ayon sa pulisya.

Batay sa ulat ng QCPD, isinagawa ang pagdakip sa mag-asawang Pia Katrina Panganiban, 29, at Christian Panganiban, 33, isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP), gayundin ang rider na si Gil Valdemoro Dy Jr., 41. Ang pagkakaaresto ay isinagawa matapos ang salaysay ni Pia, na diumano ay nagbigay ng mga bagong detalye hinggil sa insidente.

Ayon sa pahayag ni Pia, nakita umano niya sa pamamagitan ng video call si John Mollenido habang nagmamakaawa si Diane sa loob ng isang hideout, bago ito barilin. Sinabi rin niya na nakiusap siya na huwag idamay ang bata, subalit hindi umano ito pinakinggan.

Samantala, iginiit naman ni Dy na ang mag-asawang Panganiban ang responsable sa pagpatay sa mag-ina. Ayon sa kanyang salaysay, kasama ni Pia ang mga biktima nang dumating ang mga ito sa bahay hanggang sa maganap ang krimen.

Unang iniulat na nawawala ang mag-ina noong Enero 16 matapos huling makita si Diane na kasama si Pia sa pagbebenta ng kanyang Toyota Innova sa halagang P450,000. Makalipas ang isang linggo, natagpuan ang bangkay ni Diane sa isang creek sa Pulilan Bypass Road, Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo. Noong Enero 29 naman natagpuan ang bangkay ni John Ysmael sa isang madamong calamansi farm sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac.

Nilinaw ni Atty. Cristobal Rimando, abogado ni John Mollenido, na hindi umano inaresto ang kanyang kliyente at sa halip ay boluntaryo itong sumuko sa pulisya.

Samantala, ang mag-asawang Panganiban at si Dy ay pormal nang kinasuhan ng double murder sa Quezon City Prosecutor’s Office, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot sa kaso.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.