Mahigit 1,000 na bahay nasunog sa Tawi-tawi

0
368

COTABATO CITY — Mahigit 1,000 kabahayan ang nilamon ng apoy at libo-libong residente ang napilitang lumikas matapos sumiklab ang malawakang sunog sa Barangay Lamion, Bongao, Tawi-Tawi nitong Martes ng gabi, ayon sa mga lokal na otoridad.

Umabot sa bandang 10:09 p.m. ng Pebrero 3 nang magsimula ang apoy na mabilis kumalat sa mga bahay sa dalampasigan dahil sa malakas na hangin at mas madaling masunog na materyales ng mga bahay na karamihan ay gawa sa light at semi-permanent materials na itinayo sa ibabaw ng tubig.

Ayon sa Bongao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), tinatayang 1,000 kabahayan ang nasunog habang ang tinatayang apektadong populasyon ay umabot sa humigit 5,000 katao na inilikas sa mga pansamantalang evacuation center sa loob ng Mindanao State University (MSU) Amilbahar Gym, MSU-Integrated Laboratory School at iba pang ligtas na lugar. Walang naiulat na nasawi o malubhang nasugatan sa insidente.

Sinabi ng Bongao Central Fire Station na na-control ang sunog mga 2:00 a.m. ng Miyerkules matapos ang mahigit na apat na oras na pagsisikap ng mga bumbero, MDRRMO personnel, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) at mga volunteer responders.

Nasira rin ang ilang foot bridges na nagpahirap sa mga rescue at firefighting operations. Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.

Agad namang tumugon ang Bangsamoro Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pamumuno ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, sa pakikipagtulungan sa Tawi-Tawi Governor Yshmael Sali at lokal na pamahalaan ng Bongao upang maghatid ng relief assistance kabilang ang pagkain, tubig, tent, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang apektado.

Nanawagan din ang mga lokal na lider sa iba pang relief agencies at mga organisasyong humanitarian, kapwa lokal at internasyonal, na magbigay ng karagdagang tulong upang mapagaan ang pinagdadaanan ng mga nasalanta at matulungan sila sa muling pagbangon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.