Dolores, Quezon – Patay ang isang barangay kagawad matapos umanong pagtatagain ng kanyang kainuman sa bayan ng Dolores noong Pebrero 17, 2025.
Kinilala ang biktima na si Alvin Sanchez, barangay kagawad ng Brgy. Sta. Cruz Putol sa San Pablo City. Itinuturong suspek ang isang Aldwin Ortega.
Batay sa paunang ulat, magkasama umanong nag-iinuman ang dalawa bago naganap ang insidente. Makalipas ang pangyayari, sumuko ang suspek kay Raffy Tulfo at inilahad ang kanyang panig hinggil sa nangyari.
Ayon sa suspek, nagawa umano niya ang krimen dahil diumano’y gumawa ng “malisya” ang biktima at nais umano nitong makipagtalik.
Sa naturang programa, nakausap din sa telepono ang kapatid ng biktima. Ayon dito, matagal nang magkakilala ang dalawa mula pa noong 2022 at umano’y nagkaroon ng relasyon. Iginiit ng kapatid na umano’y nanghihingi ng pera ang suspek sa biktima ngunit hindi ito nabigyan. Aniya, unang sinaksak ng suspek ang kagawad at habang tumatakbo palayo ang biktima ay hinabol at pinagtataga hanggang sa mapatay.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Dolores Police Office ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





