Emergency powers para kay Pangulong Marcos inaprubahan ng House panel

0
67

MAYNILA — Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang isang substitute bill na naglalayong bigyan ng emergency powers si Ferdinand Marcos Jr. upang matugunan ang posibleng matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado dulot ng krisis sa Middle East.

Sa ilalim ng panukala, papayagan ang Pangulo na pansamantalang magsuspinde o magbawas ng excise tax sa mga produktong petrolyo bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis. Ang emergency powers ay ipatutupad sa loob ng anim na buwan, ngunit maaari itong paikliin o palawigin depende sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, gayundin sa magiging desisyon ng Kongreso na maaaring mag-extend ng kapangyarihan hanggang isang taon.

Nakasaad din sa panukala na maaaring magsuspinde o magbawas ng excise tax ang Pangulo kapag ang average na presyo ng Dubai Crude oil ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles.

Pinapayagan din ang Pangulo na ipatupad ang pagbawas o suspensyon ng excise tax kung may idineklarang state of national emergency o kalamidad na magdudulot ng pambihirang pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Ayon sa panukala, kinakailangan namang magsumite ang Pangulo, sa pamamagitan ng Secretary of Finance, ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw mula sa pagpapatupad ng hakbang. Dapat ilahad sa ulat ang naging batayan ng suspensyon o pagbawas sa excise tax, ang tinatayang mawawalang kita ng pamahalaan, at ang posibleng epekto nito sa inflation.

Sinabi ni Miro Quimbo, chairman ng komite at kinatawan ng Marikina City, na ihahain ang panukala sa plenaryo ng House of Representatives of the Philippines upang agad itong matalakay at maaprubahan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.