MAYNILA – Inaprubahan ni Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pagbibigay ng P10 kada litro na subsidy sa krudo para sa mga public utility vehicle (PUV) upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper at operator sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa isang video message noong Huwebes, sinabi ng Pangulo na may takdang limitasyon ang subsidiya na hanggang 150 litro kada linggo at ipatutupad ito sa loob ng tatlong buwan. Uunahin ang implementasyon sa National Capital Region sa susunod na linggo, simula sa Commonwealth Avenue, bago palawakin sa iba pang pangunahing kalsada tulad ng Quezon Avenue, España, Zapote, A. Bonifacio, Rizal Avenue, at Marcos Highway, hanggang sa maipatupad sa buong bansa.
Ayon kay Marcos, layunin din ng hakbang na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Idinagdag niya na ipatutupad lamang ang subsidiya sa mga lehitimong gasolinahan na aprubado at mino-monitor ng Department of Energy upang matiyak na hindi ito maaabuso.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na sasamantalahin ng Pilipinas ang dalawang linggong ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran upang makapag-angkat ng sapat na suplay ng petrolyo. Ayon naman sa isang source mula sa industriya ng langis, inaasahan ang bahagyang ginhawa o posibleng rollback sa presyo ng krudo sa mga susunod na araw.
Bukod dito, inanunsyo rin ng Pangulo ang pagpapatupad ng service contracting program na magbibigay ng bayad na mula P40 hanggang P100 kada kilometro para sa mga driver at operator ng PUV. Kalakip nito ang hindi bababa sa 20 porsiyentong diskwento sa pamasahe para sa mga pasahero.
Ipapatupad ang programa sa pangunguna ng Department of Transportation simula Abril 15, at inaasahang sasaklaw sa humigit-kumulang 50,000 PUV, 1,000 operator, at hanggang 15 milyong pasahero sa buong bansa.
Tiniyak ni Marcos na magkakaroon ng GPS monitoring ang mga sasaling sasakyan upang masiguro ang maayos at aktwal na biyahe, lalo na sa mga oras na hindi rush hour. Layunin nitong matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo ng pampublikong transportasyon at ang kabuhayan ng mga tsuper.
Dagdag pa ng Pangulo, ang mga rutang saklaw ng programa ay tututok sa mga lugar na may koneksyon sa mga linya ng tren at pangunahing bus routes upang maging mas episyente, mabilis, at maaasahan ang biyahe ng mga commuter.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





