Suportado ng Malacañang ang panukalang three-term school calendar ng DepEd 

0
68

MAYNILA — Ipinahayag ng Malacañang ang suporta nito sa panukala ng Department of Education na ipatupad ang three-term school calendar, isang repormang layong paghusayin ang kalidad ng pagkatuto at bawasan ang gastusin sa sistema ng edukasyon.

Ayon kay Claire Castro, tiniyak ni Sonny Angara na handa ang kagawaran para sa implementasyon ng bagong iskema. Aniya, hindi mangangailangan ng karagdagang pondo ang pagbabago at maaari pang magresulta sa pagtitipid.

Ipinaliwanag ni Castro na inaasahang mababawasan ang bilang ng pagsusulit at proyekto sa ilalim ng three-term system, na magpapagaan sa gastusin ng mga mag-aaral at kanilang pamilya. Dagdag pa niya, positibo ang pagtanggap ng mga guro sa panukala dahil sa mas mahabang at mas flexible na oras ng pagtuturo.

“Na-appreciate ito ng mga guro dahil mas malalim at maluwang ang instructional time kaysa sa dati,” ani Castro.

Nauna dito ay inilatag ng DepEd ang planong ipatupad ang three-term school calendar simula sa school year 2026–2027, bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang mapabuti ang learning outcomes at mabawasan ang administrative workload ng mga guro.

Sa mga naunang pahayag ng DepEd, kabilang sa mga tinitingnang benepisyo ng sistema ang mas balanseng distribusyon ng academic workload sa buong taon at ang pagbibigay ng mas sapat na pahinga sa pagitan ng mga termino. Gayunman, inaasahan pa ang karagdagang konsultasyon sa mga stakeholder upang matiyak ang maayos na pagpapatupad nito sa buong bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.