Bagong obispo ng Kalibo, nanindigan para sa mga Ati sa Boracay hinggil sa land dispute

0
37

KALIBO, Aklan — Nagpahayag ng suporta ang bagong obispo ng Kalibo sa komunidad ng mga Ati sa Boracay habang nahaharap sa banta ng pagkawala ng lupang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan dahil sa tumitinding interes sa pagpapaunlad ng turismo.

Sinabi ni Cyril Villareal na tungkulin ng Simbahan na ipagtanggol ang tama at makatarungan lalo na sa panahong nakararanas ng kawalang katiyakan ang mga pamilyang Ati hinggil sa lupang kanilang sinasaka at inaasahan para sa ikabubuhay.

“The Church is where justice and what is right are upheld,” ani Villareal, na pormal na nanungkulan bilang obispo noong Marso 23.

Dagdag pa niya, “These things happen because of people’s greed, which seeks profit over what is just.”

Umiikot ang sigalot sa humigit-kumulang 3.1 ektaryang lupain sa Boracay Island na ipinagkaloob noong 2018 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi bababa sa 45 pamilyang Ati sa pamamagitan ng Certificates of Land Ownership Award sa ilalim ng programang land reform.

Ang lupain, na nahahati sa limang lote, ay kinilalang bahagi ng matagal nang pagsisikap na gawing pormal ang pagmamay ari ng mga katutubo sa bahagi ng sikat na isla.

Ginawang sakahan ng mga Ati ang lugar kung saan nagtatanim sila ng prutas at gulay at nag aalaga ng mga hayop bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.

Gayunman, binawi noong 2024 ng Department of Agrarian Reform ang mga titulo matapos ideklarang hindi angkop sa agrikultura ang lupa batay sa isinagawang pagsusuri sa lupa, bagay na mariing pinabulaanan ng komunidad ng Ati.

Ayon sa mga residente, nananatiling mataba at produktibo ang lupa at patuloy na nagbibigay ng ani at kita sa kanilang komunidad sa kabila ng kanselasyon ng kanilang mga dokumento sa pagmamay ari.

“This is their land, yet in the end, they were the ones displaced on their own land,” ayon kay Villareal.

Nanawagan naman ang Boracay Ati Tribal Organization kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na repasuhin ang pagbawi sa mga titulo ng lupa at makialam ang pamahalaan sa usapin.

“We hope the President will notice, see, and read our letter, and that he will also help,” sinabi ni Jocelyn Evangelio, kinatawan ng komunidad, sa Radio Veritas.

Iginiit din ni livelihood coordinator Maria Tamboon na hindi totoo ang pahayag na hindi maaaring sakahin ang lupa, at itinuro ang patuloy na pagtatanim sa lugar kabilang ang dragon fruit plantations.

“They cannot say the land is unsuitable because it is truly productive and good for cultivation,” ani Tamboon.

Hinimok din niya si Marcos na personal na bumisita sa Boracay upang makita ang kalagayan ng komunidad at maunawaan ang kanilang patuloy na pinagdaraanan.

“We hope you can come here to see what has truly happened to us in Boracay,” dagdag niya.


Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.