Dalawang bagyo sa labas ng PAR, patuloy na binabantayan

0
41

MANILA, Philippines | Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang dalawang tropical cyclone na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang nagpapatuloy ang pag-ulan na dulot ng Habagat sa ilang bahagi ng Luzon.

Isa rito ang Typhoon Saudel, na pinangalanang Obet nang pumasok sa PAR noong Agosto 24. Gayunman, mabilis itong lumabas muli ng PAR pagsapit ng gabi. Patuloy itong mino-monitor dahil maaari nitong palakasin ang Habagat habang kumikilos pahilaga.

Ang ikalawang sistema ay Tropical Depression Atsani, na nasa silangan ng extreme northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 60 kph. Patuloy itong kumikilos pahilaga at nananatili sa labas ng PAR.

Ayon sa PAGASA, wala pang aktibong tropical cyclone sa loob ng PAR at wala ring tropical cyclone wind signal na nakataas sa bansa dahil sa dalawang sistemang ito.

Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon, kabilang ang Metro Manila at ilang bahagi ng Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON. Posible ang mga pag-ulan at thunderstorms sa mga lugar na maaapektuhan.

Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na manatiling nakatutok sa mga opisyal na weather bulletin, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng malakas na ulan, pagbaha at landslide.

Bagama’t nasa labas ng PAR ang dalawang bagyo, maaari pa ring magbago ang kanilang direksiyon o lakas. Patuloy ang pagmamanman ng PAGASA sa kanilang galaw upang maagapan ang anumang posibleng epekto sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.