Hinigpitan ng DepEd ang parusa sa bullying

0
48

MANILA | Mas mahigpit na parusa ang ipatutupad ng Department of Education (DepEd) laban sa bullying, karahasan at iba pang seryosong paglabag sa mga paaralan, kabilang ang non-readmission, exclusion at referral sa mga awtoridad para sa mga mag-aaral na mapatunayang responsable sa mabibigat na insidente.

Ito ay bahagi ng DepEd Order No. 006, s. 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE), na nilagdaan noong Marso 24, 2026. Pinag-isa ng kautusan ang iba’t ibang patakaran ng DepEd para sa learner protection, kabilang ang bullying, gender-based violence, seguridad sa paaralan, incident reporting at psychosocial support.

Sa ilalim ng ESMLE, hinati sa tatlong antas ang mga paglabag. Ang first-level offenses, kabilang ang mga minor bullying acts, ay maaaring tugunan muna ng guro sa pamamagitan ng agarang intervention at dokumentasyon. Kabilang sa mga parusa ang written reprimand at pagpapatawag sa mga magulang sa unang paglabag, tatlong araw na suspension sa ikalawa at limang araw na suspension sa ikatlo.

Ang second-level offenses naman ay tumutukoy sa seryoso o paulit-ulit na bullying gaya ng stalking, pananakot, pagnanakaw ng gamit, bahagyang pananakit at ilang uri ng harassment. Sa unang paglabag, maaaring patawan ng hanggang limang araw na suspension, pagpapatawag sa mga magulang at referral sa Social Welfare and Development Office. Ang ikalawang paglabag ay maaaring humantong sa non-readmission, habang ang ikatlo ay maaaring mauwi sa exclusion.

Para naman sa third-level offenses, kabilang ang malubhang pananakit, ilang uri ng sexual misconduct, pagpapakalat ng mapanirang o nakakababang video, bomb threats at iba pang high-risk acts, mas mabigat ang ipinapataw na parusa. Sa ilang third-level violations, maaaring ipatupad ang non-readmission sa unang paglabag at exclusion sa ikalawa, kasabay ng referral sa naaangkop na ahensiya gaya ng Philippine National Police o social welfare authorities.

Nilinaw din ng DepEd na ang non-readmission ay nangangahulugang hindi na maaaring mag-enroll ang mag-aaral sa parehong paaralan sa susunod na school year, bagama’t maaari niyang tapusin ang kasalukuyang school year. Sa exclusion naman, agad na inaalis ang mag-aaral sa class list, habang dapat pa ring matiyak ang pagpapatuloy ng kanyang edukasyon sa pamamagitan ng angkop na educational intervention.

Ang pagpapatupad ng mas mahigpit na polisiya ay kasunod ng revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013 na inilabas ng DepEd noong 2025. Saklaw nito ang lahat ng pampubliko at pribadong basic education schools at community learning centers.

Unang naging batas ang Anti-Bullying Act noong 2013, na nag-aatas sa elementarya at sekondaryang paaralan na magkaroon ng mga patakaran laban sa bullying, malinaw na mekanismo sa pagrereport at imbestigasyon, proteksiyon sa mga biktima at saksi, at kaukulang disciplinary action at rehabilitation para sa mga lumalabag.

Ayon sa DepEd, hindi lamang parusa ang layunin ng bagong framework. Nakapaloob din dito ang prevention, early intervention, counseling, mental health at psychosocial support, at koordinasyon sa mga magulang, local government units, law enforcement at iba pang katuwang upang mapanatiling ligtas at maayos ang learning environment.

Samantala, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kailangang maging malinaw ang pananagutan sa mga gumagamit ng dahas, nananakit, nagbabanta o patuloy na nang-aapi ng kapwa mag-aaral. Patuloy na ipatutupad ng DepEd ang mga patakaran kasabay ng due process at mga intervention para sa mga learner na sangkot sa mga insidente.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.