SAN PABLO CITY, Laguna | Isang 12-anyos na lalaking Grade 7 student ang nasugatan matapos umanong saksakin sa leeg ng kapwa niya 12-anyos na kaklase sa San Pablo City Science High School sa Barangay San Jose, San Pablo City, bandang tanghali ng Oktubre 19, 2026, ayon sa ulat ng San Pablo City Police Office (SPCPO) na isinumite sa Police Regional Office 4A (PRO4A).
Dinala sa ospital ang biktima para sa agarang gamutan at kasalukuyang nasa stable condition, ayon sa ulat ng pulisya. Ang Grade 7 student na itinuturong suspek ay inilagay na sa pangangalaga ng Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) para sa kaukulang intervention.
Batay sa paunang ulat ng SPCPO, naganap ang insidente habang break time. Umano’y tinawag ng suspek ang kaklase sa gilid ng gusali ng paaralan at inutusang tumingala. Bigla umano itong sinaksak sa leeg gamit ang isang peeling knife na may habang humigit-kumulang dalawang pulgada.
Sumigaw ng saklolo ang biktima kaya rumesponde ang mga tauhan ng paaralan. Tumakas naman umano ang suspek matapos ang insidente.
Ayon sa paunang ulat ng pulisya, posibleng may kaugnayan sa bullying ang insidente. Gayunman, hindi pa kumpirmado ang motibo at patuloy pang iniimbestigahan ang mga pangyayari, kabilang kung paano naipasok sa paaralan ang patalim.
Kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, pinaigting ng mga awtoridad ang panawagan para sa mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad upang maiwasan ang pagpasok ng mga armas at iba pang ipinagbabawal na bagay sa mga kampus.
Noong Hunyo 22, 2026, tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte. Iniulat na kinasangkutan ng mga menor de edad ang insidente at isa sa mga baril na ginamit ay pag-aari ng isang babaeng pulis na tiyahin ng isa sa mga suspek.
Kasunod nito, iniutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsusuri sa mga umiiral na protokol sa seguridad ng mga paaralan. Nagpahayag din ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa panukalang gawing mandatoryo ang inspeksiyon ng mga bag ng mga estudyanteng pumapasok sa mga paaralan upang maiwasan ang pagpasok ng mga armas at iba pang mapanganib na bagay.
Mayroon ding mga alituntunin ang Department of Education (DepEd) hinggil sa inspeksiyon sa paaralan bilang bahagi ng pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral. Gayunman, mahalagang ang bukod na inspeksiyon ng mga bag sa pisikal na paghalughog sa katawan o mga bulsa ng mga estudyante.
Sa kaso ng San Pablo City Science High School, iniimbestigahan pa kung paano naipasok ang humigit-kumulang dalawang pulgadang patalim na ginamit sa pananaksak. Hindi pa malinaw kung anong mga hakbang sa inspeksiyon at seguridad ang ipinatutupad sa paaralan nang mangyari ang insidente.
Muling binibigyang-diin ng insidente ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa seguridad, maagap na pagtugon sa mga ulat ng bullying, at koordinasyon ng mga paaralan, magulang, lokal na pamahalaan at mga awtoridad upang maprotektahan ang mga mag-aaral.
Dahil kapwa menor de edad ang sangkot, hindi inilalantad sa ulat na ito ang kanilang mga pangalan. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pananaksak at sa posibleng motibo nito.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






