MAYNILA — Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo 8.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isasagawa ang programa mula Hunyo 1 hanggang 11 upang mapabilis ang enrollment process, matugunan ang mga alalahanin ng publiko, at matiyak ang maayos na paghahanda ng mga paaralan sa buong bansa.
Sinabi ng DepEd na 16 na ahensiya ng pamahalaan at utility partners ang makikibahagi sa preparasyon para sa pagbubukas ng klase.
Kabilang sa mga katuwang na ahensiya ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na mangangasiwa sa pagpapatupad ng safety, health, at traffic management measures sa mga paaralan.
Nakatakda namang magmonitor ang Department of Transportation (DOTr) sa daloy ng mga commuter sa pagbubukas ng klase, habang tutulong ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) sa pagpapalakas ng communication at connectivity services.
Nakaalerto rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang tumugon sa posibleng weather disturbances at iba pang emergency sa panahon ng school opening period.
Samantala, inatasan ang mga utility providers na Meralco at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tiyaking may sapat na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.
Upang agarang matugunan ang mga concern ng mga magulang at mag-aaral, mag-ooperate ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center sa pamamagitan ng hotline, text messaging, email, at social media channels sa central, regional, division, at school levels.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





