Fujian, China — Muling binuksan ng Pilipinas at China ang pag-uusap sa ilalim ng ika-11 Bilateral Consultation Mechanism (BCM) upang talakayin ang mga isyu sa West Philippine Sea at ang matagal nang inaabangang Code of Conduct (COC), kasabay ng tumitinding krisis sa enerhiya dulot ng giyera sa Gitnang Silangan at pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.
Kinumpirma ni Leo M. Herrera-Lim, Undersecretary for Policy ng Department of Foreign Affairs, na isinasagawa ang dalawang araw na pagpupulong, kung saan kabilang sa mga tinatalakay ang posibleng kooperasyon sa larangan ng enerhiya upang mapalakas ang seguridad sa suplay sa rehiyon.
“Exploratory lang at best kung papayag sila na mag-exchange ng views on potential values for cooperation… whether it’s oil, fertilizer, food,” ani Herrera-Lim. Idinagdag niya na layunin din ng usapan na tuklasin kung paano magagamit ang kasalukuyang krisis bilang pagkakataon upang makabuo ng mga plataporma para sa mas matatag na energy security.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Ferdinand Marcos Jr. na bukas ang pamahalaan sa muling pakikipag-usap sa Beijing hinggil sa posibleng joint energy projects sa South China Sea. Samantala, iginiit ng embahada ng China sa Maynila na may “positive progress” na sa talakayan ukol sa posibleng sabayang eksplorasyon ng langis at gas.
Gayunman, nilinaw ni Herrera-Lim na ang oil exploration ay isang pangmatagalang proseso at maaaring hindi agad magbunga sa loob ng lima hanggang sampung taon. Sa kabila nito, binanggit niya ang iba pang oportunidad, kabilang ang pagkuha ng refined products mula sa China at ang paglinang ng renewable energy sa Pilipinas.
Inaasahan ding magpapatuloy sa BCM ang diskusyon sa COC, na layong magtakda ng mga alituntunin sa paggalaw at aktibidad sa South China Sea, at inaasahang makumpleto sa loob ng taon. Kasama rin sa agenda ang panukalang memorandum of understanding sa pagitan ng Philippine at Chinese Coast Guard, na hinihintay pa ang tugon ng panig ng China.
Ayon sa DFA, ginaganap ang ika-24 Philippines-China Foreign Ministry Consultations at ika-11 BCM mula Marso 27 hanggang 28 sa Quanzhou, Fujian, bilang bahagi ng patuloy na bilateral dialogue upang talakayin ang mga sensitibo at hindi sensitibong usapin, at tuklasin ang mga larangan ng kooperasyon.
Batay sa datos ng Department of Energy noong 2020, tinatayang may mahigit anim na milyong bariles ng langis at higit pitong bilyong cubic feet ng natural gas na hindi pa natutuklasan sa West Philippine Sea. Isa sa mga pangunahing lugar na may potensyal ay ang Recto Bank, na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Gayunpaman, nananatiling malaking hadlang ang tensyong teritoryal sa pagitan ng dalawang bansa. Patuloy na inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea, kabilang ang mga bahagi ng West Philippine Sea, sa kabila ng desisyon ng arbitral ruling noong 2016 na pabor sa Pilipinas, isang hatol na hindi kinikilala ng Beijing.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





