MANILA – Malapit nang magsampa ng kasong plunder ang Office of the Ombudsman laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa pambansang budget, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sinabi ni Remulla na nasa huling yugto na ang paghahanda ng reklamo, bagama’t isinasailalim pa ito sa masusing pagsusuri bago ihain para sa preliminary investigation.
“We’re very close to filing the plunder charges, but we still have to cross the t’s and dot the i’s. Ganoon na kalapit ‘yan. The cases are just about ready for preliminary investigation,” ani Remulla.
Ayon sa Ombudsman, nakalap na ng mga imbestigador ang sapat na ebidensiya upang suportahan ang kaso sa kabila ng inaasahang matinding legal na depensa mula sa kampo ng dating House Speaker.
Inihayag din ni Remulla na nakipagtulungan ang House of Representatives sa isinasagawang imbestigasyon.
“Basically, they have cooperated. Many have cooperated,” aniya.
Gayunman, sinabi niyang may ilang dating mambabatas ang hindi nakipagtulungan dahil umano sa posibilidad na sila ay may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon.
Noong Mayo, inihayag ng Office of the Ombudsman na nakaranas ito ng pagkaantala sa pagkuha ng ilang dokumento mula sa Kamara matapos umanong tumanggi ang committee secretariat na magbigay ng mga hinihinging rekord. Sa kabila nito, tiniyak ni Remulla na hindi natigil ang imbestigasyon.
Nauna ring kinumpirma ng Ombudsman na tinanggap bilang state witness si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan. Inaasahang magiging mahalaga ang kanyang testimonya sa pagpapatibay ng kasong inihahanda laban kay Romualdez.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang plunder ay isang non-bailable offense kapag matibay ang ebidensiya ng pagkakasala at may kaugnayan sa umano’y iligal na pagkamal ng yaman ng isang pampublikong opisyal na lumalampas sa itinakdang halaga sa batas.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Romualdez kaugnay ng pinakahuling pahayag ng Ombudsman.
Sa hiwalay na pahayag, kinumpirma ni Remulla na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kina Senators Francis “Chiz” Escudero at Joel Villanueva kaugnay ng umano’y kickback sa mga proyektong flood control.
Ginawa ni Remulla ang paglilinaw matapos lumabas ang alegasyong pinipili lamang ng kanyang tanggapan ang mga kasong kinasasangkutan ng mga miyembro ng minorya sa Senado.
Ayon sa Ombudsman, walang katotohanan ang naturang paratang at iginiit niyang walang kinikilingan ang kanilang mga imbestigasyon.
Si Villanueva ay isinangkot ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, na nagsabing umano’y tumanggap ang senador ng P150 milyon mula sa P600 milyong multi-purpose building project sa Bulacan. Samantala, si Escudero ay iniuugnay rin sa umano’y kickback mula sa mga kuwestiyonableng flood control projects ng pamahalaan.
Mariing itinanggi nina Escudero at Villanueva ang lahat ng alegasyon laban sa kanila.
Binigyang-diin ni Remulla na ang mga kaso ay nakabatay sa ebidensiya at hindi sa partidong kinabibilangan ng mga taong iniimbestigahan. Dagdag pa niya, mayroon ding mga indibidwal na kaalyado ng kanyang tanggapan na nahaharap sa mga kasong isinampa ng Ombudsman.
Nauna ring umusbong ang mga haka-hakang maaaring hindi na umusad ang mga reklamo laban kina Escudero at Villanueva matapos silang maiugnay sa mayorya ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Win Gatchalian. Gayunman, iginiit ng Ombudsman na nagpapatuloy ang mga kaukulang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na proseso ng batas.

DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





