Napakagandang pakinggan ang mga tugon ni World No. 20 Alexandra “Alex” Maniego Eala sa mga talumpati sa tuwing natatapos ang kanyang mga laban, pinakahuli ang panalo niya sa mas mataas sa laki at sa ranking na si Alycia Parks. Para sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at sa mga mapagmahal sa bansa sa kabuuan, simple pero mahalagang kontribusyon ito sa pagpapayabong ng wika.
Matapos niyang lisanin ang Washington kung saan siya nagkampeon, sinabi ng premyadong Filipino tennis sensation: “Alam ninyo, linggo-linggo ko kayo nakikita, sinusuportahan ako. Linggo-linggo kong nakikita kung gaano ninyo kamahal ang kapwa ninyong Pinoy… Kaya proud na proud na proud na proud din akong maging Pinoy.”
Sa simula hanggang dulo, hindi magkamayaw ang mga manonood sa 2026 Canadian Open sa husay, kisig, at talino ni Eala. Aabante na siya sa ikatlong yugto matapos niyang talunin si Parks ng USA, 6-1, 4-6, 6-2.
Banggit ni Eala: “Kumusta tayo ngayon, Toronto? Iwagayway ninyo nga yung mga bandila ninyo. Patingin.”
Nauna nang napataob ni Eala ang mga malalaking pangalan sa isport na napiling mahalin buhat ng lumahok sa torneo noong anim o pitong gulang pa lamang siya. (Hindi beripikado ang eksaktong gulang na iyon bagamat meron ding “Eala siblings sizzle in Little Mo tennis” noong 2014.)
Sa Buwan ng Wika na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” marapat lamang na ipagpasalamat natin ang pagkilala mismo ni Eala sa mga kapwa niya Pinoy. Kahanga-hanga sapagkat mas pinipili pa niyang gamitin ang wikang Filipino sa mga panayam ng mga dayuhang midya gaya noong nagwagi siya sa US Open Juniors kung saan nagtalumpati rin siya sa Filipino. Meron ding representasyong pangkultura ang pananalita ni Eala. Ibig sabihin, nabibigyan ng mas mataas na paggalang ang wikang Filipino sa entabladong pandaigdig.
Nakikiisa taon-taon ang mga paaralan, kolehiyo, at pamantasan sa KWF, Kagawaran ng Edukasyon, at ilan pang ahensya ng pamahalaan sa pagdiriwang tuwing Agosto. Sa pambihirang pagkakataon, meron na akong nabatid na mga paaralang umaabot sa unang linggo ng Setyembre. Marahil may mga naunsiyami ngunit napaghandaan na ang mga palatuntunan kaya kinailangan pa rin itong ituloy.
Mga Kawikaan 18:20-21 (Magandang Balita Biblia)
“Anumang sabihin ng tao ay kanyang pananagutan, ayon sa kanyang salita siya’y gagantimpalaan.
Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay, makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.”
Maaari ring balikan ang mga naisulat kong “Buwan ng Wika taon-taon at kung paano tayo matatauhan” at “Filipino, ‘wikang mapagpalaya’ kung bakit wala namang kibo sa kahirapan” para sa mga naghahanap ng pagsusuri sa paraan ng pagdiriwang.
PAGKAKATAMPOK NG SALITANG “ARTIPISYAL”
Nasilip kong “artipisyal” ang Tampok na Salita sa KWF Diksyunaryo ng Wikang Filipino.
ar•ti•pis•yál
Bahagi ng Pananalita: Pang-uri
Pinagmulang Salita: artificial
Pinagmulang Wika: Espanyol
Kahulugan:
- Likhâ ng tao, sa halip na likás. “Artipisyál na bulaklak ang mas gusto kong dekorasyon.”
- Hindi matapat o paimbabaw. “Alam ko kung artipisyál ang ngiti ng isang tao.”
Paglalapi:
- kaartipisyalán
- pagkaartipisyál (Pangngalan)
ROBIN, LIGHTS, CAMERA, ACTION
Pamali-mali pa rin si Senator-judge Robin Padilla sa mga binibitawang salita at tanong sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Senado sa dalawang beses nang na-impeach na si VP Sara Duterte.
Para sa kaibigan at dating hepe ko sa publikasyon at komunikasyon na si Mashhur Sinsuat Glang:
“Silly Boy is the main reason why I rarely watch the impeachment trial. He reminds me of our misery as a nation.”
Grabe na naman ang isa sa mga huling sablay ni Padilla matapos niyang iugnay ang DepEd sa pagre-recruit umano ng mga komunista sa mga pamantasan. Wala bang nakapagsabi sa kanya kung ano ang CHED (Commission on Higher Education o Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon)?
MGA PANGALANG KAHINDIK-HINDIK
Sa opisyal na talaan, ayon sa Impeachment Court, kabilang sina Mary Grace Piattos (P70,000 ang dokumentadong halaga ng natanggap umano bilang “payment of rewards-medicines,” ayon sa prosekusyon) at testigo mula sa COA (Commission on Audit o Komisyon ng Pagsusuri) na si Atty. Roderick Wamil.
Heto pa ang sampung pangalang naberipika at pormal na ipinakilala: Renan Piattos, Nova Santos, Mico Harina, Janice Marie Revilla, Patty Ting, Andi Lim, Alejandro Pikit, Feonna Biong, Sisfrunio Balsac, at Gabriel Bisaya.
Labing isang pangalan ang nakatala sa mga acknowledgment receipt na may kaugnayan sa confidential funds ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Tahasang panloloko gamit ang puwesto ng paglilingkod.

DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





