MAYNILA – Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-aresto sa dating mambabatas na si Zaldy Co sa Prague nitong Huwebes ng gabi, kaugnay ng pinaniniwalaang sangkot ito sa malawakang katiwalian sa mga flood control projects sa bansa.
Sa kanyang mga pahayag sa social media, sinabi ng Pangulo na nahuli si Co matapos umano itong tumawid sa Czech Republic nang walang sapat na dokumento at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad doon. Dagdag pa ni Marcos, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng Pilipinas sa gobyerno ng Czech Republic upang matiyak na nasusunod ang lahat ng legal na proseso at mapabilis ang pagbabalik ni Co sa bansa.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police na nakikipag-ugnayan ito sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga international law enforcement counterparts upang beripikahin ang detalye ng pag-aresto. Ayon kay Jose Melencio Nartatez Jr., handa ang PNP na magbigay ng kinakailangang suporta upang matiyak ang maayos na pagsunod sa mga legal na proseso, kabilang ang posibleng pagbabalik ni Co sa Pilipinas.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ng Department of Foreign Affairs na wala pa itong natatanggap na opisyal na impormasyon hinggil sa insidente at naghihintay pa ng ulat mula sa Embahada ng Pilipinas sa Czech Republic.
Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation sa Sandiganbayan kasama ang 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na P289 milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. Noong Setyembre 2025, itinanggi niya ang mga paratang na tumanggap siya ng kickbacks mula sa mga proyektong tinaguriang “ghost” flood control projects, na unang ibinunyag sa pagdinig ng Senado.
Kalaunan, nagbitiw si Co sa Kamara matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure sa Ombudsman ang pagsasampa ng mga kaso laban sa kanya at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Sa pagdinig noong Abril 7, tumestigo ang isang abogado mula sa Anti-Money Laundering Council na umano’y nakatanggap si Co ng kabuuang P802 milyon mula sa kontratistang Sunwest Construction sa pamamagitan ng mga tseke mula 2019 hanggang 2025. Saklaw ng panahong ito ang kanyang panunungkulan bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list, kung kailan ipinagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno ang pagkakaroon ng interes sa negosyo.
Ayon sa mga piskal ng Ombudsman, ang naturang halaga ay sumusuporta sa kanilang alegasyon na nanatiling “beneficial owner” si Co ng nasabing kumpanya, taliwas sa kanyang mga naunang pahayag.
Noong Marso, pinagtibay ng Sandiganbayan ang deklarasyon na si Co ay isang “fugitive from justice.”
Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon, naglabas si Co ng serye ng mga video kung saan inakusahan niya sina Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez ng umano’y bilyon-bilyong piso na anomalya sa pambansang badyet at mga flood control project. Mariin itong itinanggi ng dalawang opisyal.
Sa isang press briefing noong huling bahagi ng Nobyembre, hinamon ng Pangulo si Co na umuwi sa Pilipinas at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





