MAYNILA. Nagkakahati ang opinyon ng mga senador kung dapat pa bang ituloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Articles of Impeachment.
Nagbabala si Senator Juan Miguel Zubiri na posibleng ma-contempt ang Senado sakaling ituloy ang paglilitis, na maaaring humantong sa isang constitutional crisis. Aniya, magiging mapanganib din itong precedent kung susuwayin nila ang pasya ng Korte Suprema.
“Respetuhin na lang natin ang desisyon ng SC,” pahayag ni Zubiri.
Samantala, umaasa si Sen. Risa Hontiveros na may pag-asa pa ang proseso ng impeachment. Ayon sa kanya, may planong magsumite ng motion for reconsideration at may mga legal na opinyong nagsasabing maaari pa ring iligtas ang proseso kahit iginagalang ang pasya ng Korte Suprema.
Para naman kay Sen. Erwin Tulfo, kahit iginagalang niya ang desisyon ng SC, ipinunto niyang tanging ang Senado ang may kapangyarihang maglitis at magpasya sa mga impeachment case, ayon na rin sa Konstitusyon.
Inanunsyo rin ni Tulfo na pag-uusapan ng Senado sa darating na Lunes kung susundin o hindi ang kautusan ng Korte Suprema.
Samantala, nanawagan si Sen. Bam Aquino na ituloy ang impeachment trial at agarang magsagawa ng caucus upang talakayin ang isyu.
Sa hiwalay na panayam, iginiit ni constitutional law expert at dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president Atty. Domingo “Egon” Cayosa na may kapangyarihan ang Senado na ituloy ang impeachment trial kahit idineklarang null and void ang articles ng Korte Suprema.
“It is now for the legislative branch of government to defer to that ruling, o kaya if they have political will and numbers, maaari nilang ituloy. Sapagkat malinaw naman sa Konstitusyon, pagdating sa impeachment, that is the sole power of the legislative branch,” paliwanag ni Cayosa sa panayam sa radyo.
Noong Biyernes, inilabas ng Supreme Court ang ruling na bumoto ng 13-0 upang ideklarang “null and void” ang Articles of Impeachment dahil sa paglabag sa one-year bar rule at karapatan ni Duterte sa due process.
Nilinaw ng Korte Suprema na hindi nito ina-abswelto si VP Sara sa mga akusasyon, at maaari pang magsumite ng motion for reconsideration.
Dagdag pa ni Cayosa, hindi obligado ang Senado at Kamara na sundin ang nasabing ruling.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





