MAYNILA. Isang bagong silang na sanggol ang dinukot ng isang babaeng nagpanggap na nurse sa Lingayen District Hospital sa Pangasinan kamakalawa, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ang biktima na si Prince Harry Carpio, ipinanganak noong Setyembre 10, anak nina Romeo at Rocel Carpio ng Binmaley, Pangasinan. Nanawagan ang mag-asawa sa hindi pa nakikilalang suspek na ibalik ang kanilang anak.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Lingayen Municipal Police Station, iniwan ni Romeo ang kaniyang mag-ina sa Ob-Gyne ward ng ospital upang magbayad ng hospital bills. Habang wala siya, isang babae na nakasuot ng berdeng uniporme at nagpanggap na nurse ang lumapit kay Rocel at sinabing kukunin muna ang sanggol para sa umano’y blood test.
Makalipas ang ilang oras at hindi pa naibabalik ang bata, nagtanong ang mga magulang sa nurse station. Dito nila nalaman na walang isinasagawang blood test at hindi kinuha ng mga staff ng ospital ang kanilang anak.
Agad na nagreport sa pulisya ang mag-asawa. Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at nire-review ang mga kuha sa CCTV sa loob at labas ng ospital upang matunton ang salarin.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





