CA nagpalabas ng freeze order sa mga ari-arian ni Romualdez, ayon kay Ombudsman Remulla

0
55

MAYNILA – Naglabas ng freeze order ang Court of Appeals laban sa mga ari-arian ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado.

“Si former Speaker Martin Romualdez, na-freeze na ‘yung kaniyang…, may freeze order na. From Court of Appeals kasi doon talaga dinadala ang freeze orders ng AMLC. Diyan talaga pinakukuha ng court order,” ayon kay Remulla sa kanyang programa sa radyo, batay sa ulat ng GMA News.

Ang tinutukoy ni Remulla ay ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), na una nang nag-ulat na nakakuha ito ng freeze order laban sa mga ari-arian ng isang “prominent incumbent legislator” na umano’y sangkot sa mga iregularidad sa flood control projects.

Hindi pinangalanan ng AMLC ang mambabatas, pati na rin ang isang business associate at isang corporate entity na kasama rin sa saklaw ng freeze order. Ayon sa ahensya, kaugnay ang mga ito sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga proyekto.

Ayon sa AMLC, sinaklaw ng freeze order ang ilang bank accounts at insurance policies na nakarehistro sa pangalan ng nasabing mambabatas.

Batay pa sa AMLC, nakita ng Court of Appeals ang probable cause na nag-uugnay sa mga ari-arian sa posibleng paglabag kabilang ang plunder sa ilalim ng Republic Act 7659, direct at indirect bribery sa Revised Penal Code, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019.

Sinabi ni Remulla na bahagi ito ng mas malawak pang mga kasong inihahanda ng kanilang tanggapan.

“Actually, isang kaso pa lang ‘yan. Pero we have around five to six cases lined up. Sunod-sunod siya i-file within the next two weeks,” aniya.

Dagdag pa niya, isasailalim sa preliminary investigation ang kaso at paiiralin ang due process.

“Ang kalaban namin dito, akusado sa pagnanakaw sa gobyerno. Ito, tiga gobyerno ito. Ito, maraming pera, may kapangyarihan. Hindi ho madali labanan ito,” aniya.

Humingi na ng reaksyon ang GMA News Online mula sa kampo ni Romualdez at sa AMLC, ngunit wala pa silang tugon hanggang sa oras ng paglalathala.

Ayon sa AMLC, saklaw din ng freeze order ang karagdagang mga account kabilang ang iba pang bank accounts, insurance policies, investment account, at mga ari-arian na nakapangalan sa business associate at corporate entity na kaugnay umano ng kaso.

Wala pang naisasampang kaso laban kay Romualdez sa korte, ngunit hiniling ng kanyang legal team sa Office of the Ombudsman na itigil ang imbestigasyon. Iginiit na diumano’y na-prejudge na si Romualdez at nilabag ang due process.

Sa kanilang liham, binanggit ng kampo ni Romualdez ang umano’y pahayag ng ilang opisyal na tinawag siyang “master plunderer” kahit wala pang naisasampang kaso.

Kinuwestiyon din nila ang ipinalabas na precautionary hold departure order laban sa kanya kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.

Tugon ni Remulla sa panawagang mag-inhibit ang Ombudsman, hindi raw ito maaaring gawin dahil sa kanilang tungkulin sa Saligang Batas.

“Ang inhibition goes down to the fairness of the judicial process. Prosecutors are supposed to side with the victims of crimes. Ngayon, ano ba ang Office of the Ombudsman? Ang origin namin sa Pilipinas, Tanodbayan. Kami ang bantay ng bayan para ‘yung corruption ay bantayan, ‘yung pang-aabuso ng kapangyarihan ay maawat natin, matigil natin, at maparusahan,” aniya.

“Paano natin mapaparusahan ‘yan kung mag-i-inhibit ka? Duty mo ‘yan eh. ‘Yan ay katungkulan po namin sa Saligang Batas,” dagdag niya.

“No such thing as inhibition. Sabi ko sa abogadong nagsasabi niyan, baka absent ka noong tinuturo ‘yan. Go back to law school,” ayon pa kay Remulla.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.