SAN PABLO CITY, Laguna – Labindalawang indibidwal ang pararangalan bilang mga namumukod-tanging mamamayan ng San Pablo City sa pagdiriwang ng ika-86 anibersaryo ng pagkakatatag nito bilang lungsod sa Mayo 7.
Gaganapin ang seremonya ng paggawad sa San Pablo City Convention Center, ayon sa pahayag ni Najie B. Gapangada, na siya ring tagapangulo ng Selection and Awards Committee.
Kabilang sa mga pararangalan si Francis E. Emralino para sa Science and Technology Education; Albina DG. Gutierrez para sa Educational Leadership; Edzel A. Ramos para sa Transformative Education; Jimmy V. Hernandez para sa Arts and Culture; Arsenia M. Emlano para sa Business Entrepreneurship; Frederick Nicasio M. Torres para sa Social Entrepreneurship; Susan N. Alcazar para sa Business Administration; Dr. Mercydina M. Caponpon para sa Health Services; Rendell R. Laluon para sa Youth Leadership; Mark Rome M. Race para sa Finance and Accounting; Police Senior Master Sergeant Ma. Danica Eve A. Camado para sa Police Community Relations; at Police Executive Master Sergeant Edwin A. De Mesa para sa Law Enforcement.
Ang Gawad ng Namumukod-Tanging San Pableño ay isinabatas sa ilalim ng City Ordinance No. 2015-49 bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Charter Anniversary. Layunin ng parangal na kilalanin ang mga mamamayan na nagpakita ng natatanging ambag at dedikasyon sa pag-unlad ng kanilang komunidad, lungsod, at bansa.
Ang pagkakatatag ng lungsod ay ibinatay sa Commonwealth Act No. 520, na nilagdaan ni Manuel Luis Quezon noong Mayo 7, 1940. Samantala, idineklara naman ang buwan ng Mayo bilang Heritage Month sa bisa ng City Ordinance No. 2018-53.
Kabilang sa mga kasapi ng Selection and Awards Committee sina Rt. Rev. Monsignor Jerry V. Bitoon ng San Pablo Cathedral; Vladimir Asprec, publisher ng The Wednesday Herald; Lerma Prudente ng Cultural Center of San Pablo; Dr. Gerlie Ilagan ng Department of Education; at Roy Empalmado ng San Pablo City Tourism Council.
Ang kalihiman ng parangal ay pinangasiwaan nina Malu Migrino ng City Tourism Office at Rolly Inciong ng City Information Office, sa ilalim ng pangangasiwa ni An Mercado Alcantara, na namumuno sa mga espesyal na programa sa turismo, sining, kultura, at pamanang lokal ng pamahalaang lungsod.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






