Mag-anak patay sa pananaksak sa Batangas; suspek arestado sa follow-up operation 

0
96

TALISAY, Batangas — Patay ang isang 35-anyos na ina, ang kanyang 2-taong gulang na anak na lalaki, at ang lola ng bata matapos umanong pagsasaksakin ng isang kaanak sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Aya, Talisay, Batangas nitong nakaraang gabi. Kritikal naman ang isang 6-taong gulang na anak na babae ng biktima.

Ayon sa ulat ng Talisay Municipal Police Station na ipinadala ni PMaj. El Cid Villanueva, dead-on-the-spot ang ina na kinilalang si alyas “Nena” at ang 59-anyos na lola na si alyas “Malou.” Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang 2-anyos na batang lalaki dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sugatan at kasalukuyang inoobserbahan sa Global Medical Center ang 6-anyos na batang babae.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-10 ng gabi nang puwersahang pumasok ang suspek sa bahay ng mga biktima umano matapos umakyat sa bahagi ng terasa. Ayon sa mga nakaligtas na menor-de-edad, narinig nila ang kaguluhan mula sa loob ng isang silid at nakatakas sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana upang humingi ng tulong sa mga kamag-anak na nakatira sa kalapit na bahay.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa 33-anyos na suspek sa Brgy. San Roque, Santo Tomas City, Batangas, mahigit isang oras matapos ang insidente. Ang suspek ay live-in partner umano ng kapatid ni Nena, ayon sa pulisya.

Narekober din ng mga imbestigador ang mga damit na pinaniniwalaang suot ng suspek sa oras ng krimen at isang kutsilyong hinihinalang ginamit sa pananaksak.

Sinabi ni PMaj. Villanueva na isa sa mga tinitingnang anggulo ay ang naunang reklamo ng panggagahasa laban sa suspek sa 15-anyos na anak na babae ng biktima. Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa motibo ng krimen, kabilang ang posibleng pag-iwas sa pagsasampa ng kaso.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Talisay Municipal Police Station at nahaharap sa mga kasong multiple murder at frustrated murder habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.