QUEZON CITY | Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na opisyal nang tumatanggap ang UnionDigital Bank (UD) ng aplikasyon para sa SSS Micro Loan Program o SSS LoanLite sa pamamagitan ng mobile application nito, na nagbibigay sa mga kwalipikadong miyembro ng mas mabilis, ligtas at digital na paraan upang makautang para sa kanilang agarang pangangailangan.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, ang UD ang kauna-unahan sa apat na participating financial institutions (PFIs) na naglunsad ng SSS LoanLite sa kanilang digital platform.
“After months of preparation, SSS LoanLite is finally here. Qualified members can now apply through the UnionDigital Bank mobile application, making access to short-term financial assistance more convenient and secure,” ani de Claro.
Sinabi rin niya na nakikipagtulungan ang SSS sa iba pang PFIs na inaasahang magbibigay rin ng access sa SSS LoanLite sa pamamagitan ng kani-kanilang digital platforms.
Ang SSS LoanLite ay isang digital microloan facility na nilikha upang magbigay ng accessible, secure at affordable na short-term financial assistance sa mga kwalipikadong miyembro. Bahagi ito ng patuloy na programa ng SSS na palawakin ang financial inclusion at mapalakas ang mga serbisyo para sa mga miyembro, kabilang ang pagbibigay ng mas ligtas na alternatibo sa inpormal at posibleng mapagsamantalang pagpapautang.
Ito rin ang unang SSS loan facility para sa employed members na nagbibigay-daan sa mga kwalipikadong private-sector employees na mag-apply sa pamamagitan ng mobile application ng isang PFI nang hindi kinakailangang kumuha ng employer certification na karaniwang kailangan sa conventional SSS short-term loans.
Sa pamamagitan ng UD mobile application isinasagawa ang aplikasyon at iba pang kaugnay na transaksyon, kaya hindi na kailangang kumuha at magsumite ng karaniwang employer certification.
Maaaring manghiram ang kwalipikadong miyembro mula ₱1,000 hanggang ₱20,000, depende sa average ng kanilang 12 pinakahuling Monthly Salary Credits. Ang mga available na repayment period ay 15, 30, 60 o 90 araw, habang ang interest rate ay 8% kada taon, o tinatayang 0.67% kada buwan.
Dahil fully digital ang proseso, maaaring mapabilis ang pagsusuri at pag-apruba ng mga kwalipikadong aplikasyon at posibleng maisagawa ang proseso sa loob lamang ng ilang minuto, depende sa SSS at PFI requirements, verification procedures at system processing.
Upang maging kwalipikado, kailangang matugunan ng miyembro ang mga itinakdang requirement sa ilalim ng SSS Circular No. 2026-005. Kabilang dito ang naaangkop na age requirement, hindi bababa sa 36 na kabuuang kontribusyon, kabilang ang hindi bababa sa anim na posted monthly contributions sa loob ng 12 buwan bago ang aplikasyon, walang past-due Short-Term Member Loans o aktibong SSS Micro Loan, may account sa PFI na naka-enroll sa online facility nito, at nakatutugon sa iba pang kondisyon kaugnay ng existing loans, benefit claims at SSS account status.
Pinayuhan ng SSS ang mga miyembro na basahin ang SSS Circular No. 2026-005 para sa kumpletong eligibility requirements, loan terms, conditions at iba pang detalye ng programa. Makikita ang circular sa opisyal na website ng SSS.
Awtomatikong kokolektahin ang loan repayment ayon sa napagkasunduang schedule sa pamamagitan ng automatic debit arrangement. Pangunahing ibabawas ang bayad mula sa account kung saan na-credit ang loan proceeds.
Hinimok ng SSS ang mga nangungutang na magbayad sa oras upang mapanatili ang magandang standing at manatiling kwalipikado para sa susunod na SSS LoanLite availment, alinsunod sa umiiral na requirements.
Ayon kay de Claro, layunin din ng SSS LoanLite na matulungan ang mga miyembro na magkaroon ng access sa formal financial services at mabawasan ang kanilang pagdepende sa mga informal lender na maaaring maningil ng mataas o mapagsamantalang interest.
“SSS LoanLite is part of our broader effort to expand access to formal financial services and protect our members from predatory lending. Through our partnership with UD, we are supporting faster, safer, and more convenient access to credit for qualified members,” ani de Claro.
Nagbilin naman ng SSS ang mga miyembro na gamitin lamang ang opisyal na UnionDigital Bank mobile application sa pag-aapply at huwag makipagtransaksiyon sa mga indibidwal o third party na nag-aalok na magproseso ng kanilang loan application.
Bago tanggapin ang loan, dapat ding maingat na basahin ng miyembro ang loan disclosure statement, kabilang ang interest, fees, repayment schedule at iba pang terms and conditions.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang SSS sa iba pang participating financial institutions upang maging available ang SSS LoanLite sa kani-kanilang digital platforms upang mas maraming kwalipikadong miyembro ang magkaroon ng access sa formal short-term credit.
ADVERTISEMENT

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






