DEL GALLEGO, Camarines Sur — Isang dalagang guro ang nasawi matapos umanong barilin ng kanyang nobyong sundalo sa gitna ng sayawan sa isang barangay fiesta, madaling araw ng kamakalawa, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ang biktima sa alyas “Joan,” residente ng naturang barangay, na agad na binawian ng buhay matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan. Sugatan din ang suspek na si Sgt. Guillermo, 38, miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa Fort Magsaysay, Palayan City, Isabela, matapos umanong barilin ang sarili. Isang lalaking residente na kinilalang alyas “Rudy,” na umano’y umawat sa insidente, ay nasugatan din.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-una ng madaling-araw sa isang benefit dance sa plaza bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng barangay. Nasa inuman umano ang magkasintahan kasama ang mga kaibigan nang magtalo matapos magyaya ang suspek na umuwi, ngunit tumanggi ang biktima.
Dito umano nagsimula ang komprontasyon na nauwi sa pagkaladkad ng suspek sa kanyang nobya palabas ng sayawan. Nang awatin siya ni “Rudy,” bumunot umano ng baril ang sundalo at pinaputukan ito, bago sunod na binaril ang kanyang nobya. Matapos bumagsak ang biktima, binaril din umano ng suspek ang kanyang sarili.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Del Gallego Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at isinugod sa Maria Eleazar General Hospital sa Tagkawayan, Quezon ang mga sugatan. Kalaunan, dahil sa seryosong kondisyon, inilipat sila sa Bicol Medical Center sa Naga City, Camarines Sur.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na 9mm na baril at tatlong basyo ng bala, ayon sa mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye at motibo sa insidente.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





