Ikinasa ng CIDG ang pag aresto kay Mayor ER Ejercito, babaeng negosyante sa kasong graft

0
285

Calamba City, Laguna — Ikinasa na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Calabarzon ang malawakang pagtugis laban kay Pagsanjan Mayor Emilio Ramon “ER” Ejercito at negosyanteng si Marilyn Bruel matapos silang masentensyahang guilty ng Sandiganbayan sa kasong graft kaugnay ng insurance deal para sa mga turista at boatmen sa Laguna.

Ayon kay Lt. Col. Ganaban Ali, CIDG-Calabarzon regional chief, mayroon nang nakatalagang stand-by team sa warrant section upang ipatupad ang mga arrest warrants matapos makakuha ng kopya ng mga warrant of arrest na inisyu ng korte.

Ang bench warrants of arrest para sa finality of judgement o Service of Sentence ay naka-address sa hepe ng Pagsanjan Police, National Bureau of Investigation Director, Laguna Provincial Director, CIDG-Camp Crame sa Quezon City, at sa iba pang opisyal ng batas.

Inisyu ang mga warrant para kay Ejercito at Bruel noong Oktubre 21, 2025 ni Chairperson, Associate Justice Michael Frederick Musngi. Inutusan ng Sandiganbayan-Fourth Division na isagawa ang warrant sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap nito.

Samantala, pinalitan na si Ejercito ng kanyang bise alkalde na si Jan Garcia, na ganap nang naluklok bilang alkalde ng Pagsanjan noong Disyembre 2, kasunod ng paglabas ng warrant of arrest sa aktor-politician na napatunayang guilty sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Itinalaga bilang bagong vice mayor si Konsehal Cocoy Fernandez kamakailan sa ilalim ng rule of succession.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.