MANILA, Philippines | Oktubre 20, 2026 | Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Martes ang Super Typhoon Champi, na posibleng tatawaging Rosal sa sandaling makapasok sa saklaw ng pagbabantay ng Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa ulat ng PAGASA noong Oktubre 19, namataan ang bagyo may layong 1,720 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 215 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa forecast ng PAGASA, maaaring maapektuhan ng malalakas na hangin ang hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon at ilang bahagi ng Bicol Region. Posible ring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 o No. 4 sa mga lugar na nasa daraanan ng bagyo, depende sa magiging lakas at galaw nito. Inaasahan ang posibleng epekto sa Northern Luzon sa bandang huling bahagi ng linggo.
Nilinaw ng PAGASA na hindi nangangahulugang agad na tatama sa kalupaan ang bagyo kapag pumasok ito sa PAR. Patuloy na susubaybayan ang lokasyon, lakas at direksiyon nito upang matukoy ang mga lugar na posibleng maapektuhan.
Pinayuhan ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na bulletin ng PAGASA at mga anunsiyo ng lokal na pamahalaan. Inirerekomenda rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paghahanda ng emergency go bag na may pagkain, tubig, gamot, damit at mahahalagang dokumento, pati ang pagsunod sa mga abiso sa paglikas kung kinakailangan.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





